Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Coast guard binoga sa bunganga

0 55

Isang kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang binaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sual, Pangasinan noong Martes.

Kinilala ang biktima bilang si CG Apprentice Seaman (ASN) Angelo Martinez, 23 taong gulang, nakatalaga sa PCG District Southern Tagalog.

Ayon sa press statement ng PCG nitong Huwebes, binaril si Martinez sa kahabaan ng West Corner Bolaoen Road sa Barangay Paitan sa nasabing bayan dakong alas-11:45, Enero 11 ng gabi.

Nagkaroon pa umano ng pag-uusap sa pagitan ng biktima at ng suspek bago barilin ng huli ang nauna sa kaliwang bahagi ng kanyang bibig at humandusay sa tabi ng kanyang motorsiklo.

Nakita ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima at agad ipinagbigay-alam ang insidente sa mga awtoridad. Dinala pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian na rin ng buhay.

Samantala, narekober mula umano sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng kalibre 9mm na baril.

Kinondena naman ng PCG ang pagpatay kay Martinez at sinabing nakikiramay ang buong coast guard sa pamilya ng biktima.

“He will not be able to achieve his dreams and aspirations anymore as he was ruthlessly slayed by a still unknown gunman,” pahayag ni PCG District Southern Tagalog Commander CG Commodore Genito B. Basilio.

“Rest in peace, CG ASN Angelo Martinez. My snappy salute to you. Salamat sa serbisyo mo sa ba­yan, anak,” dagdag niya.

Nabatid na nilarga na ng mga awtoridad ang hot pursuit operation upang makilala at mahanap ang salarin, at malaman ang motibo sa pagpatay. (Mark Joven Delantar/Kiko Cueto/Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.