Una sa Balita

CNN reporter nakipagtalo kay Trump, ipina-ban sa White House

0 268

Sinuspende ng White House ang press pass ni CNN correspondent Jim Acosta matapos itong makipagtalo kay President Donald Trump sa press conference noong Miyerkoles.

Sa naturang presscon, inulan ng katanungan ni Acosta si Trump tungkol sa migrant caravan na patungo ng Estados Unidos mula sa Central Ame­rica kaya’t isang aide ang lumapit at tinangkang kunin ang mikropono pero hinawi ito ng reporter.

Napundi si Trump at tinawag si Acosta na ‘rude, terrible person.’ Isang reporter din ang nagbigay ng follow-up question tungkol sa migrant ca­ravan pero pati ito ay pinag-initan ng US president.

Sa muling pagbalik ni Acosta sa White House dakong alas-siete nang gabi, hinarang na ito ng US Secret Service sa Pennsylvania Avenue gate kung saan dito pumapasok ang mga reporter.

Paliwanag naman ni Press Secretary Sarah Sanders, hinawakan daw kasi ni Acosta ang kamay ng White House staff kaya’t kinansela nila ang ‘hard pass’ ng reporter.

Sinuportahan naman ng CNN ang kanilang reporter at tinawag na ­malaking kasinungalingan ang ibinigay na dahilan ni Sanders.