Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

CLLEX at CCLEX: Bunga ng build program

0 15

Isa na naman pong malaking proyekto ng gobyerno ang pinasinayaan at nabuksan sa mga motorista sa Central Luzon na magdudugtong sa Tarlac at Nueva Ecija at inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa sa mga biyaherong taga-gitnang Luzon.

Pinangunahan po ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, July 15,2021, kasama sina Senador Bong Go at Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiki Koshikawa ang inagurasyon ng four lanes toll-free expressway project –ang Central Luzon Link Expressway (CLLEX), kung saan magagamit na ng mga motorista ang unang 18 kilometrong bahagi nito.

Ang CLLEX po ang isa sa mga pangunahing infrastructure project ng gobyerno na pinondohan ng ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) bilang suporta sa Build, Build, Build program ng Duterte administration.

Ang pagbubukas po ng isang bahagi ng CLLEX ay hudyat ng mas maayos at komportableng biyahe ng mga taga-Luzon papasok at palabas sa Metro Manila ng walang iniisip na gastos dahil ito po ay libre sa mga motorista.

Ang proyekto po ay pinondohan mula sa General Appropriations Act, hindi kagaya ng ibang proyekto na ginawa sa ilalim ng private-public partnership na kapwa pinondohan ng gobyerno at ng pribadong sektor.

Katuparan po iyan ng pangako ni Pangulong Duterte na maging komportable ang sambayanan sa lahat ng aspeto ng serbisyo mula sa gobyerno.

Sa sandaling matapos ang kabuuan ng 65.7 kilometrong CLLEX project ay magiging 20-minutos na lamang ang biyahe mula Tarlac hanggang Cabanatuan City mula sa dating mahigit isang oras na biyahe o 70 minutes na paglalakbay.

Napakalaking bagay po ito para sa mga biyahero dahil mapapaiksi ang kanilang paglalakbay at magkakaroon na ng mas sapat na panahon para sa kanilang pamilya .

Batay po sa karanasan ng mga biyahero, nauubos ang kanilang panahon sa mahabang biyahe dahil sa matinding traffic at kawalan ng alternatibong madadaanan kaya ang oras na ilalaan sana sa pamilya ay nauubos sa matagal na biyahe.

Ang CCLEX ang katuparan ng hiling ng maraming mga motorista, hindi lamang ng mga taga-Tarlac at Nueva Ecija para sa mas maalwan at mabilis na paglalakbay na ngayon lamang matutupad at matatamasa sa ilalim ng Duterte administration.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Isa lamang ang CCLEX sa iiwanang pamana ni Pangulong Duterte sa sambayanang Pilipino dahil marami pang mga nakalinyang proyektong malapit ng matapos sa mga susunod na araw na pakikinabangan ng mga Pilipino.

Kung mayroong magagandang proyekto sa Luzon, mayroon din po sa Visayas at Mindanao na inaasahang matatapos sa takdang panahon.

Kabilang na po rito ang Cebu-Cordova Link Expressway o Cebu-Cordova Link Bridge (CCLB) na inaasahang matatapos sa susunod na taon at isa ito sa magiging iconic landmarks ng Cebu.

Bukambibig na po ng marami sa mga taga-Visayas ang CCLEX sa Cebu dahil maihahalintulad ito sa mga tanyag na lugar gaya ng Golden Bridge sa San Francisco, USA, at ang Stonecutters bridge ng HongKong.

Ito ang magiging pinaka-mahabang bridgeway sa buong Pilipinas dahil ang proyekto po ay may habang 8.5 kilometrong inter-island bridge na mag-uugnay sa Cebu City at bayan ng Cordova sa Mactan island at magiging sagot sa matinding problema ng traffic sa lugar at magpapalakas sa economic activities sa Visayas region.

Sa ngayon po ay nasa 80% na ang CCLEX at nito lamang Biyernes, July 16,2021 ay personal na ininspeksiyon ni Department of Public Work and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang proyekto at ako mismo ay saksi sa ganda nito.

Hinihintay na po ng mga taga-Cebu ang nakatakdang pagbubukas ng proyekto sa unang quarter ng 2022 na inaasahang magpapabilis sa daloy ng biyahe ng mga taga-Visayas.

Ang mga malalaking proyektong ito ang ilan lamang sa mga tinututukan ng administrasyon sa ilalim po ng Build, Build, Build program sa kabila ng pagsubok na hatid ng COVID-19 pandemic.

May pandemic man o wala, hindi po titigil ang Duterte administration sa pagsusulong ng mga malalaking proyektong magsisilbing pundasyon ng mga susunod na henerasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.