Una sa Balita

CLEAR IT: Sobrang downpayment sa ni-loan na house & lot mababawi ba?

By
0 2

Dear Atty. Claire,

“Emmanuel gree­tings”,

May isasangguni lang po ako tungkol sa ibinentang bahay at lupa sa aming mag-asawa na umabot sa 1.2M ang huhulugang down payment kasama na daw ang equity at kulang na lang kami ng 100K at ang natira na lang daw sa bangko na huhulugan namin din kada buwan ay humigit kumulang 1.6M. Pinalipat po ang mag-ina ko kahit ang cash out lang namin ay 150K kasama na ang bahay naming luma at nag start na rin kami maghulog sa bangko ng monthly dahil naitransfer na daw sa pangalan naming mag-asawa ang bahay at lupa ang kaso wala po kaming kopya ng papel na nagpapatunay.

Binigyan lang po kami ng broker ng kopya na kung magkano ang monthly na babayaran at ang account namin. Pinuntahan po ng misis ko ang bangko at nakausap ang officer na may hawak ng bahay at lupa at dun po kami nakakuha ng transaction kung magkano talaga at kung papano ang sistema ng bayaran. Ang tanong ko po ay maibabalik pa po ba ang sobrang down payment na kinuha ng broker?

Maraming salamat po at naway gabayan kayo lagi ng May Kapal….

Gumagalang,
Abel

Abel,

Ang magandang itanong sa iyo ay kung lahat ba ng binayaran mo sa developer o broker ay may resibo. Sa official receipt mo makikita kung nararapat ba ang mga naibayad mo para sa downpayment at equity o kaya ay sobra sobra na hindi ayon sa napagkasunduang presyo ng property.

Ang babayaran mo kasi sa bangko ay ‘yung balanse na lamang matapos mo ba mabayaran ang equity at down payment sa developer kaya hindi magma ‘match’ o magpapareho talaga ang purchase price sa amount na inutang sa bank. Karaniwan na 70% ng kabuuang halaga ng ari arian ang pinapa utang ng bank. Malalaman mo rin ang tunay na presyo ng ari arian sa deed of sale na pinirmahan mo.

Kung matapos mo ikumpara ang presyo ng ari arian at tunay na niloko ka ng broker ay saka mag demand ang sumobrang naibayad lalo pa kung walang naibigay sa iyong Official Receipt. Ang lahat ng reklamo sa developer ay maaaring dinggin o isampa sa HLURB. Ang reklamo laban sa real estate broker ay maisasampa naman sa PRC kung ang broker na kausap mo ay lisensiyado. Ngunit bago ka gumawa ng conclusion na naloko ka ay alamin ang lahat at huwag muna magbintang ayon sa iyong haka-haka.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag sa 410 76 24 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com.