Una sa Balita

CLEAR IT: Right of way

By
0 133

Dear Atty. Claire,

Magandang umaga po, gusto ko po idulog ang problema tungkol sa right of way ko. May lupa po ang pamilya namin, na namana mula sa namayapa kong lolo, bale may siyam na kapatid ang aking ina at hinati po ang lupa ayon sa idineklara ng lolo ko na 240 sq.m. kada isa, noong buhay pa siya.

Ngayon sa kasalukuyan ako ang nakapwesto sa parte ng aking ina dahil namayapa na rin ang aking ina. Ang kaso eh, ang right of way ko ay binakuran ng aking tiyuhin, dahil kini-claim niya na kanya ang lupa kung saan nakalaan ang aking right of way. Ako ngayon ay hirap sa pagpasok papunta sa aking bahay. Ito lang ang pinaka-convenient na daan palabas sa highway.

Ano po ba ang pwede kong gawin at anong kaso ang pwedeng isampa ko sa kanya at ano ang dapat gawin ng barangay namin tungkol dito. Ang alam naman ng lahat ng tao sa purok namin na right of way naman talaga iyon.

Sana po matulungan n’yo ako sa problema ko.

Salamat po,
Mark

Mark,

Ang sabi mo ay nahati-hati na ito ayon sa sinabi ng lolo mo pero ito ba ay napa-survey na upang magkaroon ng kanya-kanyang parte ng lupa ang bawat isa sa magkakapatid kung saan may mga technical description na nakalagay upang malaman ang mga boundary ng bawat parte?

Kung nahati na ito at may survey plan na at nasang-ayunan ng Land Registration Authority ay malalaman mo kung may nakalagay na right of way sa nasabing plano. Kung ano ang nakatalagang daanan o right of way ay iyon ang dapat na sundin. Ngunit kung wala pang ganitong klase na plano at kayo ay dumadaan lamang sa lupa ng iyong tiyuhin dahil iyon ang pina-convenient sa iyo kahit may iba pang daan na medyo malayo para sa iyo ay malamang na hindi ka mapayagang makuha ang parteng iyan ng tiyuhin mo para maging right of way.

Ang batas kasi natin tungkol sa easement of right of way ay nagsasabi ng mga requirements bago mapahintulutan ito:

1) the dominant estate is surrounded by other immovables and has no adequate outlet to a public highway; (2) proper indemnity has been paid; (3) the isolation was not due to acts of the proprietor of the dominant estate; and (4) the right of way claimed is at the point least prejudicial to the servient ­estate (Quintanilla vs. Abangan, G.R. No. 160613, February­ 12, 2008).

Ang dominant estate ay ang lupang makikinabang sa right of way kung saan ito ay napapalibutan ng iba pang lupa ay wala nang iba pang madaraanan palabas ng highway. Kinakailangan na kapag humi­ngi ng isang right of way ay dapat na mabayaran ng kaukulang danyos ang servient estate (ito naman ang apektadong lupa kung saan manggagaling ang parte para sa right of way). Dapat din na hindi ­naging sanhi o dahilan ang may-ari ng dominant estate ng pagkawala ng daanan niya palabas ng highway. Ang parte ng lupa para sa hinihinging right of way ay dapat na hindi ganoon kaperwisyo o kasagabal sa servient estate o sa may-ari nito.

Ngunit kung ang sinasabi mong parte ng lupa ay ang tanging daanan at hindi na ka makalabas o makapasok mula sa bahay ninyo papuntang highway ay maaari kang dumulog sa korte upang humiling ng preliminary (at permanent injunction) upang patigilin ang tiyo mo na harangan ang daanan na iyan. Kung ikaw ay nagkaroon ng danyos (damages) dahil sa ginagawa ng tiyo mo ay maaari ka ring humingi ng actual, moral at exemplary damages.

Bago dumulog sa korte ay pumunta ka muna sa barangay at doon ihain ang reklamo para sa tinatawag nating mediation/conciliation. Maaari kayong magkasundo sa barangay na hindi na aabot pa sa pagsampa ng kaso sa korte.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa (02) 410-7624 o (02) 922-0245 o mag-email sa attorneyclarissa@gmail.com.