Una sa Balita

CLEAR IT: Makukulong ba sa ‘di pagbabayad ng motor?

0 786

Dear Atty. Claire,

Good Day po, tanong ko lang po kung may nakukulong po ba sa hindi pagbabayad ng motor? Naaksidente po kasi ang motor ko. 1 month palang po sa akin ang motor. Ibinalik ko po sa Yamaha ang motor ko para ipa compute kung magkano ang damage ng motor or kung magkano ang dapat ayusin sa motor. Ang compute nila is 30k daw lahat ng damages.

Hindi ko po kayang pondohan ang 30k na yon. Pwede po bang ipabatak ko na lamang yun at hindi ko na babayaran? Wala po bang pwedeng ikaso sa akin doon? Salamat po.

Jonalyn

Jonalyn,

Ang obligasyon ay obligasyon. Kung madanyusan man ang motor mo ito ay malamang na kasalanan mo. Wala bang insurance ang bago mong biling motor? Karaniwan ay mayroon pinapakuhang insurance ang sasakyan lalo pa at hulugan ito.

Totoong walang nakukulong sa utang, pero depende ito sa kasunduan ninyo. Kung may tseke na iyong ibinayad at wala ka nang balak pang bayaran ang buwanang obligasyon at magiging talbog ang mga tseke mo ay siguradong may criminal case kang haharapin.

Maaaring estafa o Violation of BP22.

Kung wala namang tseke kang na issue para pambayad sa nakuha mong motor ay hahabulin ka lamang sa pamamagitan ng pagsampa ng civil case o pangongolekta ng utang na may dagdag na danyos o damages lalo pa kung ang halaga ng motor na isasauli mo ay hindi na sapat upang mabayaran ang lahat ng iyong obligasyon. Kapag ma-assess o na estimate nila na kulang ang halaga ng nadisgrasyang motor ay malamang na hindi na nila hatakin (replevin) / ipasubasta o foreclose, at singilin ka na lamang sa pamamagitan ng collection of sum of money with prayer for damages. Kapag nanalo sila ay mapipilitan kang magbayad o kaya ay hahabulin naman nila ang iba mong ari-arian upang sumapat sa lahat ng utang mo. Tulad halimbawa ng gamit mo sa bahay, pera sa bangko, atbp. Ngunit wala naman itong kulong.

Kung pipiliin naman nila na hatakin ang motor at ipasubasta ay hindi na sila makakahabol pa sa iyo kahit na kulang ang halaga ng motor pambayad ng utang mo. Ayon kasi sa Art. 1484 par. 3 ng ating Civil Code:

“Foreclose the chattel mortgage on the thing sold, if one has been constituted, should the vendee’s failure to pay cover two or more installments. In this case, he shall have no further action against the purchaser to recover any unpaid balance of the price. Any agreement to the contrary is void”.

Ngunit hindi ba mas mainam kung aayusin mo ang utang mo upang hindi ka magkaroon ng hindi magandang record kung sakaling balak mo muling mangutang o bumili ng gamit na hulugan.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com