Una sa Balita

CLEAR IT: Alamin sa registry of deeds

By
0 149

Dear Attorney Claire,

Magandang araw po, Nais ko lamang po itanong kung ano ang gagawin para mapalabas or maipakita yung land ­title ng lupa.

Ito po ay matagal ng pinag-uusapan ng aking mga biyenan. Yung biye­nan ko po ay may kapatid na tatlong babae na nasa kanila daw ang titulo ng lupa na nagagamit po nila para isangla pag nanga­ngailangan. Ang lupang iyon po ay naiwan po ng kanilang mga magulang na yumao na.

Ngayon po hati-hati po sila sa lupa na yun. Sila po ay may kanya-kanyang parte para sakahin. Ang problema po nila ngayon yung titulo ng lupa na naka­pangalan sa mga magulang nila ay hinahanap po ng mga kapatid nilang lalaki kung nasaan.

Ayaw naman po ilabas nung tatlong babae, may ipinakita na binenta nila, tapos my ipinakita na tinubos naman nila yung lupa. Ang nais lang naman po ng mga magkakapatid na lalake ay makita ang titulo pero ang dami po nilang dahilan, kahit nagharap na sa barangay hall hindi pa rin po nila inilabas yung titulo.

Ano po kaya ang dapat nilang gawin para ma­i­­la­bas ang titulo ng lupa nila. Baka daw po kasi naibenta na nila.

Maraming Salamat po at Mabuhay po kayo.

Regards,
Sonny

Sonny,

Ang dapat na gawin ng iyong biyenan at mga ­kapatid niyang lalaki ay pumunta sa Register of Deeds kung saan nakarehistro ang lupa at alamin kung ang titulo na nakapangalan pa sa kanilang mga magulang ay nananatiling nakarehistro sa kanila at hindi pa napapawalang bisa (cancelled title).

Unang-una ay hindi naman ito dapat maisanla sa iba kung hindi naman naililipat sa mga tagapagmana (bi­yenan mo at mga kapatid nila) dahil siguradong maa­aring humabol ang mga ibang tagapagmana sa napagsanlaan kung nagawang isanla ito ng walang alam ang ibang tagapagmana. Hindi rin naman maipapasubasta o maiilit ang lupa kung hindi pirmado ang lahat ng may-ari nito. Kung hindi basta-basta maisasanla ito ng walang alam ng mga biyenan mo ay mas lalong hindi nila pwedeng ibenta ito. Delikado rin naman ang lagay ng bibili ng lupa lalo pa alam niyang ang mga rehistradong may-ari nito ay namayapa na. Walang bisa ang anumang transaksyon tungkol sa lupa kung walang pahintulot at pirma ang ibang may-ari nito (co-owners).

Kung halimbawa na naibenta at napeke ang mga pirma ng iba ng mga taong may interes rito (mga tagapagmana o co-owners) ay agad na magsampa ng kaso sa korte para mapawalang bisa ang sanglaan o bentahang naganap.

Kung hindi talaga makita ang titulo at hindi rin naman inilalabas ng mga kapatid na babae dahil hindi nila masabi kung nasaan ay mas mainam na gumawa na ng Affidavit of Loss at ipa-annotate ang titulo sa Register of Deeds bilang proteksyon lamang ng ibang may-ari dahil baka mapunta sa kamay ng manloloko ang titulo ng lupa.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 922-02-45 o 410-76-24 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy