CLEAR IT: Deed of Sale paano ipawalang-bisa?

By

Dear Atty. Claire,

Hihingi lang po sana ng opinyon na kung pwede bang mapawalang bisa ang notoryadong Deed of Sale?

Meron po akong maliit na lupa na binigay sa akin ng aking ama noong nabubuhay pa siya. Ang lupa po ay bigay din lang sa kanya sa bisa ng proklamasyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Binili po ng kapitbahay namin ang 3.0 x 6.0 (18 sqm) para daw po sa Right of Way nila at gagawing paradahan ng bibilhin nilang sasakyan. Pumayag ang aking ama na ipagbili sa kanila ang parte ng lupa sa pamamagitan ng Deed of Sale na pirmado ko at ng aking­ ama at sa usapang sila ang magpapalipat at magaayos ng mga kaukulang pro­seso (walang kasulatan). Noong araw na naguusap-usap kami ay ‘di po namin alam na ang right of way pala nila ay nasa likurang bahagi ng kanilang lote at ang nabili nilang sasakyan sa ngayon ay laging nakaparada lang sa makitid na daan papasok sa aking property.

Ang pinaka problema ko po ngayon, ang lupang binili nila ay ako pa rin ang nagbabayad ng amilyar taun-taon at wala silang ibang pinanghahawakang dokumento kundi ang Deed of Sale lang na iyon. ‘Di po naasikaso ang pagpapalipat ng nasabing sukat ng lote sa kanilang pangalan at maisama sa original na sukat ng lote nila.

Paano po ba ang dapat kong gawin para maibalik na lang sa akin muli ang kapirasong lupa na yon.

Lubos gumagalang at nagpapasalamat

Bong

Mr. Bong,

Ayon sa kwento mo ay hindi naman kayo pinilit ng tatay mo na ibenta ang kapirasong lupa ninyo para gawin niyang right of way kaya hindi ito basta basta mapapawalang bisa dahil kusang loob ninyo itong pinirmahan.


Sa ngayon ay wala ka nang magagawa upang mabawi ang usapan tungkol sa bentahan ng kapirasong lupa ninyo dahil iyan ay matagal ng napagkasunduan. Ang kontrata na ginawa ng boluntaryo ay siyang batas na susundin ng mga taong nagkasundo at pumirma sa kasunduan.

Kahit sabihin mo na may right of way na siyang iba ay hindi mo magagamit na katwiran iyon dahil nagkaroon kayo ng bentahan. Iba ang sitwasyon kung libre ang pagpapagamit mo ng parte ng lupa po para sa kanyang right of way.

Ang maaari mo lamang gawin ay mag-‘demand’ ka ng partition para hindi ka maobliga ng bayaran ang parte na siya na ang gumagamit. Singilin mo rin ang share niya sa amilyar kaugnay sa 18 sqm at kapag hindi siya nagbayad ay maaari mo siyang ireklamo para magkaroon ng partition ng lupa at para sa collection of sum of money na may kasama nang legal interest na 1% kada buwan.

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 9220245 o mag-e-mail sa attorneyclaire@gmail.com

SHARE