Una sa Balita

CLEAR IT: Ayaw umalis sa lupa namin!

0 116

Dear Attorney Claire,

Hingi po sana ako ng payo. Nakabili po kasi kami ng lupa sa kabilang barangay noong taon 2013.

May deed of sale po kaming pinanghahawakan at nalipat na sa pangalan ko ang tax declaration. Kailangan ko na po ang lupang nabili ko kaya lang meron pang nakatayong bahay ng apo ng may-ari ng lupang nabili ko.

Nag-usap kami sa barangay na gusto ko na siyang paalisin at ang bahay pero ayaw niyang umalis dahil pamana daw sa kanya ang lupang kinatatayuan ng bahay niya.

Hinahanapan ko siya ng dokumento na magpapatunay kung pinamana sa kanya pero wala siyang dokumentong maipakita.

Sinabihan ko siyang idudulog ko na sa korte ang problema kasi ayaw niyang makipag-ayos sa barangay. Ano pong kaso ang nararapat na ihabla laban sa kanya?

THANK YOU FOR YOUR RESPONSE.

Mr. Virgilio of Pangasinan

Mr. Virgilio,

Ang unang-una na nais kong itanong sa iyo ay kung sino ba ang nagbenta sa iyo. Kung ang nagbenta sa iyo ay ang mismong may-ari ay wala kang magiging problema sa hinaharap.

Kahit na apo o anak pa ng nagbenta (seller) ang naghahabol ay wala silang karapatan na angkinin iyon dahil wala pa silang karapatang magmana habang buhay pa ang mismong may-ari ng lupa.

Iba ang magiging tugon ko sa iyo kung ang nagbenta sa iyo ay hindi ang tunay na may-ari o kaya naman ay isa na lamang sa may-ari ang nagbenta ngunit hindi nito isinama sa bentahan ang tagapagmana ng isa.

Halimbawa, ang may-ari ay mag-asawa na may mga anak, ang isa ay buhay at ang asawa naman ay namayapa na.

Hindi maaaring ibenta ng isa ang ari-arian dahil may mga tagapagmana na ang asawang namayapa na masasabing may interes at karapatan na sa bahagi ng namatay.

Sa ngayon ay iisipin kong walang problema sa mga taong nagbenta sa iyo at ang apo ay nais lamang manatili sa lugar dahil siya ay apo na wala pang karapatang magmana dahil sa buhay pa ang mga may-ari nito.

Sa sitwasyon mo na ikaw na ang may-ari ay maaari kang magsampa sa kanya ng ejectment case lalo pa at hindi kayo nagkasundo sa barangay.

Kumuha ka na ng barangay certificate dahil patunay ito na nag-demand ka na sa kanya na umalis na siya sa nasabing ari-arian ngunit ayaw niyang tumugon sa gusto mo.

Ang kasong ejectment ay isasampa mo sa Metropo­litan Trial Court na siyang may sakop o jurisdiction sa nasabing lupa. Maaari ka ring humingi ng halaga katumbas ng pag-ookupa niya sa nasabing lupa.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy