Una sa Balita

Clavio inaway ni Gordon

By
0 10

Hindi lang si Senador Antonio Trillanes IV ang nakatikim ng maaanghang na salita mula kay Sen. Richard Gordon kundi pati na rin sa ilang media personality sa bansa.

Kahapon, sa beteranong broadcaster na si Arnold Clavio naman nakipagtalo si Gordon nang kinapa­nayam ito sa programang Unang Balita ng GMA 7.

Ang tanong lang ni Clavio sa senador ay kung may susunod pang hearing ang Senate Blue Ribbon Committee o maglalabas na siya ng committee report subalit iba naman ang naging sagot ni Gordon kung kaya’t nagkaroon sila ng kaunting debate.

“May isa pa ba kayong hearing o maglalabas na kayo ng committee report?” tanong ni Clavio.

“Let me answer it first kasi ‘di pa naman puwede ‘yung gusto n’yo lang marinig,” sagot naman ni Gordon.

“Wala naman po akong tinatanong tungkol doon sa sagot n’yo eh,” paglilinaw naman ni Clavio.

“Ok kung ayaw nyo… ok na ok,” buwelta naman ni Gordon.

Sinabi pa ni Clavio na hindi naman niya tinatanong kung ipapatawag ni Gordon sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio, kundi kung magkakaroon pa ba ng hearing ang komite sa isyu ng P6.4 bilyong shipment ng shabu na lumusot sa Bureau of Customs (BOC).

“Igan ayokong makipag-debate sa’yo dalawang beses n’yo akong tinanong bago nito. ‘Di tayo dapat magtalo diyan anyway magkakaroon ba ng isa pang hearing? Yes,” sagot naman ni Gordon.

Noong nakaraang linggo lamang, isang television reporter din ang inaway ni Gordon matapos na hindi magustuhan ang mga tanong nito.