Una sa Balita

Claudia, Jay, Ric, Jon-Jon, AJ nakakakilabot ang pagkamatay

SPECIAL FEATURES

By
0 2,215

Dahil sa pag-viral ng naging aksidente ng Hollywood actor na si George Clooney sa Sardinia, Italy habang sakay ng kanyang scooter, muli na­ming binalikan ang mga pangyayari sa ilang local celebrity natin na nakaranas din ng vehicular accident.

May ibang nauwi sa pagkamatay, at may iba namang sinuwerte na naka-survive.

Patunay lang ito na hindi naiiba ang mga artista sa normal na tao na nakakaranas ng biglaan at hindi sinasadyang aksidente. Sino-sino nga ba sila?

CLAUDIA ZOBEL:

Nakilala si Claudia (Thelma Maloloy-on in real life) dahil sa walang takot niyang paghuhubad sa mga pelikulang ginawa niya sa Regal Films noong ‘80s.

Nagbida si Claudia sa mga pelikulang Shame, Uhaw Sa Pag-ibig, Sinner Or Saint at Magdalena: Sa Buong Magdamag. Naging unang partner niya sa pelikula ay ang baguhan pa lang na si Patrick dela Rosa.

Kasikatan ng 18-year-old na si Claudia noon nang masawi ito sa isang car accident sa Makati noong February 10, 1984. Si Claudia ang nagmamaneho ng kanyang kotse nang sumalpok ito sa concrete barrier ng Magallanes overpass. Dead on arrival na ang aktres nang madala ito sa ospital.

Bago ang aksidente, nakapag-shoot pa si Claudia ng ilang eksena para sa Lino Brocka film na Kapit sa Patalim: Bayan Ko.

Ginawan ng pelikula ang life story ni Claudia noong 1995 na may titulong Karanasan: The Claudia Zobel Story na pinagbidahan ni Sabrina M.

JAY ILAGAN:

Nagsimula bilang child actor si Jay Ilagan (Julius Abad Ilagan) hanggang sa maging isa ito sa hinahangaan na aktor ng industriya.

Nanalo si Jay ng mga acting award para sa mga pelikulang Kisapmata, Soltero at Ma­ging Akin Ka Lamang.

Isa ring mahusay na komed­yante si Jay dahil sa pagsama niya sa grupo na Bad Bananas with Christopher de Leon, Edgar Mortiz at Johnny Delgado.

Noong February 3, 1992 ay nasawi ang aktor dahil sa isang aksidente habang sakay ng kanyang motosiklo. Tumama ang kanyang motorsiklo sa isang rumaragasang kotse at tumilapon siya. Sa kanyang pagbagsak ay nabiyak ang kanyang suot na helmet. Wala nang buhay ang 36-year-old actor nang dalhin ito sa malapit na ospital.

Bago ang kanyang aksidente, matagal na silang live-in ng aktres na si Amy Austria. May isang anak naman ito sa dating asawa na si Hilda Koronel.

RIC SEGRETO:

Isang motorcycle accident din ang naging dahilan nang pagkamatay ng singer na si Ric Segreto (Richard Vincent Macaraeg Segreto) noong September 6, 1998.

Kaaalis lang daw ng 45-year-old na si Segreto mula sa kanyang bahay sa Makati nang biglang maaksidente siya sa Buendia flyover na at that time ay under construction.

Tumama ang kanyang motorsiklo sa malalaking debris ng mga construction worker sa flyover at sa kanyang pagbagsak ay na-impale ang kanyang ulo sa isang naka-expose na bakal.

Sumikat ang American-Italian-Filipino na si Seg­reto noong ‘80s dahil sa mga hit single niyang Give Me A Chance, Don’t Know What To Say (Don’t Know What To Do), Loving You at Kahit Konting Pagtingin.

JON-JON HERNANDEZ:

Galing sa Salvador clan ng Philippine showbiz si Jon-Jon Hernandez na John Hernandez Salvador in real life.

Ang ama niya ay ang aktor na si Ross Rival (na ama rin ng aktres na si Maja Salvador) at ang ina niya ay ang aktres na si Alicia Alonzo.

Pinakilala si Jon-Jon sa pelikulang Bagets 2 noong 1984 at nasundan pa ito ng mga pelikulang Junior Elvis, Prinsesang Gusgusin at Kumander Gringa. Naging mainstay din siya ng That’s Entertainment.

Noong pasukin nito ang paggawa ng action film, naging Jon Hernandez na lang ang name niya at ginawa niya ang mga pelikulang Bukas, Tatakpan Ka Ng Diyaryo, Pita: Terror ng Caloocan, Patapon, Mistah, Brat Pack at Mancao.

November 7, 1993 nang masawi ang 24-year-old na si Jon dahil sa isang freak car accident sa expressway. Bumangga ang sinasakyan na kotse nito sa isang concrete obstruction habang paakyat siya sa tollway exit.

AJ PEREZ:

Isa sa mga promising new actor si AJ Perez ng ABS-CBN 2 nang bigla itong pumanaw sa edad na 18 dahil sa isang vehicular accident noong April 17, 2011. Isa siya sa unang naging leading man ni Jessy Mendiola sa teleserye na Sabel.

Galing sa isang show sa Dagupan, Pangasinan si AJ at nakasakay sa service van ng ABS-CBN, humiga ito sa likuran habang nasa bandang harapan ng van ang kanyang ama at apat pang kasama.

Nag-overtake ang van sa sinusundan nitong trailer truck sa MacArthur highway sa Moncado, Tarlac. Hindi agad nakita ng driver na may papasalubong na Partas provincial bus at nagkaroon ng head-on collision.

Dead on arrival na si AJ nang madala sa isang ospital sa Paniqui, Tarlac. Ang cause of death ay multiple head injuries. Pero sa isang autopsy ay nakitang meron siyang broken rib na tumusok sa kanyang heart and lungs. (Itutuloy)