Una sa Balita

Classrooms na walang kuryente sa mga liblib na lugar, isama sa Build, Build, Build program

0 272

Masaya at panalong Lunes, mga kasama! Panibagong linggo muli ng talakayan, kaya naman hayaan po ninyo akong ibahagi sa inyo ang patungkol sa kalagayan ng ating mga estudyanteng naninirahan at nag-aaral mula sa mga liblib na lugar.

Isa sa mga inisyatibo ng Department of Education (DepEd) ay tinatawag na Last Mile Schools program, kung saan layon nitong pangalagaan ang mga mag-aaral na naninirahan at nag-aaral sa Geographically Isola­ted, Disadvantaged and Conflict-Affected (GIDCA) areas o nasa liblib na lugar at siguraduhin na nabibigyan sila ng patas at parehong access sa dekalidad na edukasyon tulad din ng ibang mga mag-aaral.

Ikinatutuwa natin ang nasabing proyekto dahil sa pamamagitan nito, natututukan na ang pagsagip sa mga paaralang noon ay hindi gaanong napagtutuunan ng pansin at nahuhuli na sa pag-angat ng mga paaralang nasa lungsod.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nagkaroon kamakailan ang inyong lingkod ng pagpupulong kasama ang DepEd upang pag-usapan ang kasalukuyang estado ng basic education sa bansa at ang mga dapat pang gawin, isaayos at pagbutihin dito.

Ipinaliwanag sa atin ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones na ang Last Mile Schools ay may apat na klasrum at mas mababa sa lima ang mga guro nito. Bukod dito, walang kuryente, maayos na lugar at pondo na pampagawa ng mga sirang pasilidad maging ng mga bagong proyekto.

Related Posts

Wala rin itong mga school supplies, computer, internet connection, kakaunting bilang ng mga libro at walang kasangkapan pang-la­boratoryo. Habang ang populasyon ng mga estudyante ay hindi lalagpas sa 100, kung saan higit 75 porsyento nito ay indigenous people (IP). Higit sa lahat, ang biyahe mula sa bayan tungo sa paaralan ay mahigit sa isang oras kaya naman pahirap ang pagpunta rito.

Dahil sa ganitong sitwasyon, isa sa mga nakikita nating solusyon ay maging bahagi ang Last Mile Schools sa infrastructure program na Build, Build, Build ng pamahalaan. Kaya ating tinatawagan ang National Economic Development Authority (NEDA) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipagtulungan upang maisakatuparan ang proyektong ito.

Ayon sa DepEd, tinatayang P92 bilyon ang kakailanganin upang mapondohan ang konstruksyon, pagsasaayos at pagpapaganda ng 8,000 Last Miles schools sa susunod na tatlong taon. Ngunit, nakikita natin na kulang at maliit ito kung ikukumpara sa orihinal na P8.4 trilyong halaga ng Build, Build, Build program sa anim na taong panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon.

Sa determinasyon ng DepEd na gawing prayoridad ang Last Miles Schools program at ngayon sa kanilang pakikipag-ugnayan sa DPWH upang magbukas ng mga access roads para sa kaginhawaan ng mga mag-aaral, wala po tayong nakikitang anumang dahilan upang hindi maging parte ang nasabing programa sa Build, Build, Build.

Kaya, anuman ang mangyari, tayo po sa Senado ay patuloy na isusulong ang pagpapatupad ng kaakibat na batas at polisiya para magkaroon ng dekalidad na edukasyon ang ating kabataang nasa probinsya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy