Una sa Balita

Clarkson inuna ang bayan bago ang sarili!

By
0 817

SA nakaraang dalaw ko sa akin­g doctor, ang bungad kaagad niya sa akin ay ang ganda ng ipinakitang laro ni Jordan Clarkson para sa Pilipinas sa Asian Games sa Indonesia.

Totoong NBA pla­yer, ani Doc Ordoñez. Marunong sa lahat – scoring, depensa, assist, at higit sa lahat inuuna ang team kaysa ang sarili, ang bayan bago ang sarili.

Ang tanong ni Doc: Kailan magkakaroon ng ganitong pag-uugali ang marami sa ating mga manlalaro?

Inisa-isa ni Doc ang mga manlalarong dapat sana ay kasama sa pambansang koponan na naglaro sa Indonesia. Siyempre, hindi ko na sasabihin kung sino-sino ang mga ito. Sabihin na lang nating kasama ang mga ito sa listahan ng mga pinakamaga­galing nating manla­laro na pinag-aagawan sa PBA.

At higit sa lahat, dagdag pa ni Doc, handa si Clarkson na maglaro para sa bansa. Hindi katulad ng iba diyan na walang pinagkakaabalahan kundi ang sarili. Mga walang pakialam sa bayan, ni Doc.

Korek ka jan, Doc!

Ang susunod na misyon ng Pilipinas at ni coach Yeng Guiao ay ang laro laban sa Iran sa Setyembre 13 na gagawin sa Iran. Ang laro ay kasama sa qualifying para sa FIBA Basketball World Cup na gagawin sa China sa susunod na taon.
Sino-sino ang mga manlalarong balak isama ni Yeng sa koponan na kanyang bubuuin?

Ayon sa mga katoto natin na nag-cover sa Indonesia, naghanda si Yeng at ang kanyang mga assistant na sina Ryan Gregorio at Caloy Garcia ng 16-man pool kung saan manggagaling ang 12 manlalaro na lalaban sa Iran.

Ang mga gustong masama ni Yeng sa pool ay sina Alex Ca­bagnot at Marcio Lassiter ng San Miguel, Greg Slaughter ng Ginebra at Ian Sangalang ng Magnolia.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, “Basta payag ang player, wala nang problema.”

Ang tanong siyempre ay kung papayag ang apat. Ang mas matinding tanong ay kung papayag ang kanilang mga koponan. Alam niyo, kasagsagan ngayon ng laban sa Governors’ Cup.

Ayon kay Doc, maraming mga manlalaro sa PBA ang nakakahiya dahil hindi nila binibigyan ng importansiya ang Pilipinas.

Hindi sila kagaya ni Clarkson na hindi inalintana ang sariling kapakanan makapaglaro lang sa bayan kung saan isinilang ang kanyang lola. Hindi inalintana na baka magkaroon siya ng injury at madiskaril ang kanyang career sa NBA.

Ang sabi ni Doc, bow.