Una sa Balita

CJ Sereno dinikdik sa ‘TRO for Sale’

By
0 24,951

Kinalampag kahapon ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves si Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa umano’y nau­usong temporary restraining order (TRO) for sale racket sa hudikatura.

Hirit ng mambabatas kay Sereno, huwag niyang gamiting dahilan ang kinakaharap na impeachment complaint upang dedmahin ang mga opisyal ng hudikatura na sangkot sa tinaguriang modus na ‘TRO for sale’.

Kasunod ito ng pagbubunyag ni Teves na may natanggap siyang impormasyon na isang dibisyon ng Court of Appeals (CA) ang ­nakatakdang magpalabas ng TRO para pigilin ang kautusan ng isang anti-graft court para sa dismissal ng isang provincial governor.

Aniya, ang governor na nakatakdang makinabang sa talamak na TRO for sale racket sa CA ay hindi taga-Luzon.

Ayon pa sa administration lawmaker, matagal nang nasasangkot sa ‘TRO for sale’ racket ang nasabing dibisyon. Hindi muna tinukoy ng mambabatas  ang naturang dibisyon ng Appellate Court.

 Bagama’t nauunawaan umano niya ang sitwasyon ngayon ni Sereno, iginiit ni Teves na hindi ito dapat magpagulo sa konsentrasyon bilang Punong Mahistrado.

Ipinaalala din ni Teves kay ­Sereno na ipinangako niya sa publiko na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin kahit pa nahaharap siya sa malaking pagsubok sa kanyang buhay.

 “The Chief Justice must continue to carry out her pledge to cleanse the judiciary.  SC should check on allegations of TRO for sale in the Court of Appeals and other lower courts. I fear there will come a time when TRO for sale becomes a norm in the judiciary,” giit pa ni Teves.

Inamin ng kongresista na matagal na siyang nakatatanggap ng impormasyon kaugnay sa talamak na katiwalian at bilihan ng TRO sa sangay ng hudikatura.