Una sa Balita

Civil case vs Willie Revillame binuhay ng CA

By
0 5

Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang nauna nang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) at muling binuhay ang P2.2B civil suit na isinampa ng ABS-CBN laban sa TV host na si Willie Revillame.

Sa 23-pahinang desisyon ng CA 7th Division, iginiit nito na nagkamali ang QCRTC Branch 76 nang ibasura ang kaso laban kay Revillame dahil sa forum shopping. Iginiit ng appellate court hindi maaaring ibasura ang kaso dahil mayroong nakabinbin na apela ang kabilang panig sa Korte Suprema.

Kinatigan ng CA ang argumento ng ABS-CBN na maling ibasura ang kaso dahil lamang sa nag-expire na ang kanilang kontrata kay Revillame noong Setyembre 2011.

“The conclusion of the agreement cannot be interpreted as a bar which would foreclose appellant ABS-CBN from seeking judicial recourse for violations allegedly committed by Revillame during the life of the contract” ayon sa CA decision.

Matatandaan na nag­sampa ng kaso ang ABS-CBN laban kay Revillame dahil sa hindi nito pagsunod sa kanyang kontrata, noong 2011 ay hinamon ni Revillame ang ABS-CBN management na sibakin ang kapwa ABS-CBN talent na si Jobert Sucaldito at kung hindi nito magagawa ay mapipilitan siyang mag-resign at hindi sundin ang kanyang kontrata.

Unang naghain ng P11M damage suit si Revillame sa ABS-CBN at hiniling nito sa korte na tapusin na ang kanyang kontrata habang naghain naman ng compulsory counterclaim for liquidated damage ang television giant.