Una sa Balita

City assessor timbog sa suhol

0 322

ARESTADO sa entrapment operation ang isang assessor ng Lungsod ng Antipolo dahil sa umano’y pangingikil sa isang babae kapalit ng pagpapababa ng binabayaran na taunang buwis ng huli sa lokal na pamahalaan.

Sa imbestigasyon ng pulis, lumapit ang biktima na kinilala lamang sa alyas na ‘Sara’ kay dating Mayor Jun Ynares sa gitna ng pulong sa mga opisyal ng Homeowners Association (HOA) sa Kingsville Subdivision sa Bgy. Mayamot, Antipolo City.

Nag-abot ng maikling liham si ‘Sara’ kay Mayor Ynares sa pulong ng HOA kung saan idinetalye niya ang karanasan niya sa suspek na si Josephine Caritativo, city assessor ng Antipolo.

Agad na nakipagkoordina si Ynares sa mga pulis at katuwang ang biktima ay nagsagawa ng entrapment operation kung saan nahuli ang suspek nang abutan ito ng marked money sa Dunkin’ Donuts, Kingsville, Marcos Highway Bgy. Mayamot.

Ikinapikon ito ng dating alkalde dahil sa matagal na niyang ipinaglalaban ang malinis na pamumuno sa Antipolo, na itinutuloy ngayon ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Andrea ‘Andeng’ Ynares.

“Hindi natin tinotolerate ang ganitong ugali ng korapsiyon sa lungsod. Mayor pa ako noon, nangako ako na lilinisin ko ang Antipolo laban sa mga korapsiyon at katiwalian.”

Napag-alaman na mahigit tatlong dekada na, o 33 taon nang naninilbihan si Caritativo sa Antipolo bilang assessor.

Agad nag-utos si Mayor Andeng Ynares ng malawakang imbestigasyon sa assessors office para alamin kung may kasabwat ang suspek sa loob ng tanggapan.

Mababalewala rin ang retirement ni Caritativo kung tuluyang mapapanagot sa korte.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy