Una sa Balita

CIBAC: tuloy ang laban kontra korapsyon

0 1,007

Nitong Lunes ay binigyang diin ni Bro. Eddie Villanueva, nominee ng CIBAC Party-List, ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng pagsibak sa korapsyon.

“Hindi dapat itigil ang kampanya laban sa korapsyon dahil sa matapat na pamamahala, gaganda ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino,” sabi niya.

Sa isang pagtitipon ng CIBAC Party-List na ginanap sa San Fernando City, Pampanga, kinonsulta ni Bro. Eddie ang mahigit 300 pinuno ng iba’t ibang grupo mula sa business, education at religious sectors upang tuklasin ang kanilang tunay na kalagayan. Inalam ni Bro. Eddie kung paanong naapektuhan ng korapsyon ang kani-kanilang pang araw-araw na buhay, nang sa gayon ay mapaghandaan pang mabuti ng CIBAC Party-List ang mga panukalang batas na ihahain nito sa Kongreso.

Tinalakay din ni Bro. Eddie ang mga panukalang batas na pinaglalaban ng CIBAC Party-List sa loob at labas ng Kongreso, kabilang na ang isa sa mga priority legislations ng CIBAC Party-List na Freedom of Information na matagal nang pinaglalaban ng dating Kongresista at ngayo’y Senador Joel Villanueva.

“Kailangan natin bigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan na busisiin ang bawat transaksyon ng ating pamahalaan. Kung ang bayan ay nagmo-monitor, mapipigilan na ang pagnanakaw ng mga tiwaling opisyal sa kaban ng bayan.

“At kung buong-buo ang kaban ng bayan at walang pagnanakaw na nangyayari, lalaki ang budget para sa edukasyon, pangkalusugan, at pagpapatayo ng mga imprastraktura. Makikinabang ang mga mamamayan. Kaya sama-sama tayong lahat ituloy ang laban kontra korapsyon,” dagdag pa ni Bro. Eddie.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More