Una sa Balita

CHUBIBO: Kitakits na lang, Serr!

By
0 1

Ilang tulog na lang at balik na sa pagiging ordinaryong mamamayan si Pres. Benigno Aquino III.

Matagal na niyang pinakahihintay ito.

Sa totoo lang, ayaw naman niya talagang maging pangulo… pero alam n’yo naman ang “tadhana” — ‘pag nakialam sa takbo ng buhay, siya ang nasusunod.

Atat na atat siguro si PNoy na mabalikan ang matagal na niyang nami-miss.

Andyan ang Astro-Vision sa Megamall, ang kanyang paboritong tambayan ‘pag naghahanap ng bagong video game o DVD.

Medyo bad trip lang na ngayong hindi na siya presidente: kailangang siya’y pumila na rin — hindi na niya maiiwasan ang patpat ng banana-Q inspection ng sikyu pagpasok sa mall.

Kailangang magpaikut-ikot na siya sa paghanap ng parking space sa mall.

Okay lang siguro ito ‘pagkat alam naman nating mahilig magpaharurot ng kotse si PNoy.

Libre na rin si PNoy na gumimik gabi-gabi at makinig sa mga banda. Problema lang, ‘pag pinakanta siya sa stage… kailangang mag-ensayo ng bagong kanta ‘pagkat ang paborito niyang “Estudyante Blues” ay likha ni Ka Freddie Aguilar na ngayo’y maka-DU30 na.

Related Posts

May kantang akma sa kanya lalo na ngayong maraming miyembro ng Partidong Liberal ay buma­limbing at nagtutungo sa partidio ni DU30. Ang awit ay “Saan Na Nga Bang Barkada?”, nilikha ni Jim Paredes, isang kadilaw.

At kailangang pag-aralan niya ang kanta na walang harmony o chu-chu-wah ‘pagkat ang mga dating sumisegunda sa kanya sa pag-awit — si Ogie at si Noel — ay mahirap na hagilapin ngayong wala nang gig na maaasahan.

Kailangang tigilan mo na rin ang paninigarilyo. Pagbabawal ‘yan sa maraming lugar ni President-elect Duterte — lalo na sa loob ng eroplano kung saan bawal na bawal ang masamang usok.

Konting suggestion, p’re. Tutal may konting oras pa. Maglabas ka na ng executive order: ‘wag mo nang ipagbawal ang paggamit ng wang-wang.

Ikaw rin ang mahihirapan ‘pag naipit sa trapik. Sigurado namang may mga friendship na natitira si Gen. Purisima sa PNP na pagbibigyan ka at mag-a-assign ng hagad escort para sa iyo.

At huling pabilin: maghanap ka na ng tunay na magmamahal sa iyo. Mamahalin ka hindi porket ikaw ay dating pangulo. Mamahalin ka hindi porket may kaunting kayamanan kang natabi.

Ngunit mamahalin ka kahit… kapatid mo si Kris.

***

Huling hirit. Hangang-hanga kami sa artistang si Sunshine Dizon. Diumano ay nagloko ang mister niya at pumatol sa iba. Pero ang sobrang sakit na naramdaman niya sa pagtataksil ay hindi nilihim na lang… nilabas at binahagi ni Sunshine ang kanyang hinanakit sa social media at may kasama bang pangako/banta sa mister na “No Annulment”.