Una sa Balita

CHUBIBO!: Akalang Panggulo, Pangulo na ng Amerika!

By
0 2

Parang na-knockout punch ang Amerika noong Miyerkules nang nanalo bilang bagong US President si Donald J. Trump. Natalo niya ang liyamadong si Hillary Clinton, dating Secretary of State at misis ni dating US ­Pre­sident Bill Clinton.

Milya-milya ang lamang ni Clinton. Suportado siya ni President Barrack Obama ng mga bigating personalidad sa Hollywood at tropa ng mga bilyonaryo.

Akala ng marami ay mahihirapang manalo si Trump pagka’t siya’y medyo hambog, babaero at kahit bilyonaryo pa rin ay pumalpak sa ilang negosyong pinasok.

Lagi pang tinitira ang mga immigrant sa Amerika at pahapyaw na sinisisi ang mga ito sa pagkawala ng trabaho ng mga tubong Amerika.

Akala ng mga eksperto na reresbakan si Trump ng milyun-milyong pinatamaan niya nang ‘di muna bumubusina.

Pero sa huling dala­wang linggo ng kampanya ay pinasabog ni Trump ang matinding bomba.

Inungkat ang daan-daang-email ni Hillary Clinton noong siya ay Secretary of State pa. Mga email na kaniyang binasura o binura na nag­lalaman ‘diumano ng mga pangyayari na may kina­laman sa kapalpakan ng Amerika sa ibang bansa o mga kaduda-dudang aktibidad na may kinalaman sa milyun-milyong dolyares.

Kahit manipis o wa­lang ebidensya, ito’y ki­nagat ng mga botante.

Higit dito, naglabasan ang maraming mga ‘pu­ting Amerikano’ na dati’y walang panahong bumoto.

Kaya ngayon, ang akalang panggulo… pangulo na.

***

Nagpasya na ang Korte Suprema na payagang malibing si dating Presidenteng Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

 Ginampanan ng korte ang tungkulin nito: ang MAGDESISYON ayon sa saligang batas, hindi ang basta na lang PAGBIGYAN ang kahilingan ng madami.

***

Hula who. Sa labas lamang ng isang city school sa Las Piñas ay may saklaang dinudumog gabi-gabi. Pati mga batang musmos ay hinahayaang maglaro. At ang lalo pang kinakataka ng marami ay ito’y ilang metro lang sa isang presinto ng PNP. Sino ang nakikinabang? alam ba ni Mayor ­Aguilar ito?

Sa dakong Blumentritt naman ay mapapamura ka sa inis pagka’t ang bagong gawang sidewalks ay pinaggawang par­king lot ng ilang mga residente. Kaya ang ang mga tao’y sa kalsada na lang mismo naglalakad at laging nasa panganib na mabundol.

***

Huling hirit. Tapos magpasya ang Korte Suprema, may ilang mga mambabatas na agad-agad na umepal. Mayroong magha-hunger strike raw kuno pero mukhang press release lang. May isang ampaw-utak naman na ginigiit na nakakahiya ang Pilipinas sa mundo.

Mga amigo at amiga, matagal pa ang susunod na eleksyon. Saka na umek­sena. Magpalapad muna ng papel.