Una sa Balita

Christmas rush itinirik ng MRT

By ,
0 4

Kahit kasagsagan ng Christmas rush ng mga Pinoy dahil sa pinaghahandaang Noche Buena mamayang hatinggabi at pagmamadali ng mga Christmas shoppers na uuwi ng probinsya, hindi pa rin nakaligtas sa tirik ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT).

Kahapon, dalawang beses nagka-aberya ang tren ng MRT-3 habang kasagsagan ng bulto ng mga pasahero.

Sa abiso ng MRT sa kanilang twitter account, alas-7:45 ng umaga unang nakaranas ng aberya ang isang tren dahil sa technical problem. Napilitang bumaba ng mga pasahero sa GMA Kamuning station (southbound) at pinasakay na lamang sa kasunod na tren.

Sinundan pa ito ng isa pang tumirik na tren bandang alas-8:07 naman ng umaga. Pinababa ang mga nagmamadaling pasahero sa bahagi ng Magallanes station (southbound) at isinakay sila sa sumunod na available na tren.

Kamakalawa, bandang alas-otso ng gabi, nagkaroon din ng antala at pinutol ang biyahe ng MRT.

Napag-alaman na nagkaroon din ng technical problem kaya nagpatupad ng provisional service kung Shaw Boulevard hanggang Taft Station lamang ang biyahe ng tren.