Una sa Balita

CHR budget dadaan pa sa mahabang proseso

By
0 5

May pag-asa pang maibalik ang natapyas na pondo ng Commission on Human Rights (CHR) sa tulong ng mga senador.

Sinabi kahapon ni Presidential Communications Assistant Secretary Kris Ablan na nasa kamay na ng mga senador ang kapalaran ng CHR matapos tapyasan ng mga kongresista at gawing P1,000.00 na lamang ang budget ng komisyon para sa susunod na taon.

Ayon kay Ablan, mahabang proseso pa ang dadaanan ng CHR at mayroon pang sapat na panahon para pagdebatehan ng mga mambabatas ang kanilang pondo.

Sinabi ni Ablan na sakaling magkaiba ang magi­ging bersiyon ng Senado at Kamara sa ibibigay na pondo sa CHR, idadaan ito sa bicameral conference committee para sa check and balance.

“This budget, although cut, will still have to be sent to the Senate for further discussion and deliberation. So we still have a long way to go. In fact, after the Senate — since the version of the Senate and the House may not always be the same — there will still be Bicameral Conference Committee. So we’re still a long, long way from the budget approval,” sabi ni Ablan.

Matatandaang umani ng batikos sa iba’t ibang grupo at maging kay United Nations (UN) Special Rapporteur Agnes Callamard ang tinapyasang budget ng CHR na resulta aniya ng kawalan ng konsensiya at pagsisisihan ito ng mga bumotong mambabatas.