Una sa Balita

Chinese nagbaon ng Coronavirus sa Cebu

0 510

ISANG bata mula sa China ang nagpositibo sa coronavirus habang nasa Cebu, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Nilinaw naman ni Duque na nagnegatibo sa Middle East Respiratory Syndrome-related Coronavirus (MERS-CoV) at maging sa Severe Acute Respiratory Syndrome-related Coronavirus (SARS-CoV) ang isang 5-anyos na paslit galing sa Cebu na bumiyahe sa Wuhan, China.

Gayunman, sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), ang mga kinuhang sample mula sa pasyente ay nagpositibo sa non-specific pancoronavirus assay,kaya kinailangang ipadala ang specimen ng pasyente sa Australia upang matukoy ang ispesipikong coronavirus strain na dumapo sa paslit.

Nabatid na iniimbestigahan na rin ng DOH ang kaso ng bata na hindi tinukoy ang kasarian, na bumiyahe mula sa Wuhan, China, at kinailangang i-admit sa Cebu City matapos na makitaan ng lagnat, iritasyon ng lalamunan at ubo, bago pa man ito dumating sa Pilipinas.

Nalaman na ang bagong strain ng coronavirus ay bumiktima na ng mahigit 200 katao sa Wuhan, China.

Una nang iniulat ng DOH na tatlong indibidwal pa na nakitaan din ng mga flu-like symptom ang kasalukuyan na rin nilang mino-monitor nang pumasok sa Kalibo International Airport galing China.

Nabatid na wala naman umano silang history of travel mula sa Wuhan, China at wala ring naging kontak sa confirmed 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) case, Severe Acute Respiratory Illness case, o anumang may sakit na hayop.

Ang throat samples ng mga pasyente ay naipadala na umano sa RITM upang masuri.

Nasa mabuting lagay na rin umano ang tatlo at hindi na nakikitaan ng anumang sintomas ng sakit.

Ipinaliwanag ni Duque, na ang coronavirus ay isang mala­king pamilya ng mga virus na mula sa common cold hanggang sa mas seryosong impeksiyon tulad ng MERS-CoV at SARS-CoV.

Ilan umano sa mga sintomas ng coronavirus infection gaya ng mga respiratory symptom, lagnat, ubo, at pangangapos o hirap na paghinga at ang mga malalalang kaso ng sakit ay nagdudulot ng pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure, at maging kamatayan.

Samantala, hinimok ni Duque ang lahat ng mga health worker na maging vigilante at magsagawa ng mga extra precautionary measure sakaling magkaroon ng contact sa mga pasyenteng may acute respiratory infection, lalo na kung may travel history ang mga ito sa China.

Gayundin, pinayuhan ang publiko na palagiang maghugas ng kamay at iwasan ang hindi protektadong kontak sa mga farm at wild animal.

Sakali naman umanong may ubo o babahing ay ugaliing magtakip ng bibig, gamit ang tissue o malinis na panyo at iwasan na lamang lumabas ng tahanan upang hindi na makahawa ng iba pa.

Mas mabuti na umiwas ang publiko sa pagkakaroon ng close contact sa mga taong mayroong cold o flu-like symptom at tiyakin na ang mga pagkain ay nalutong mabuti. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More