Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Chinese na may baril, pinatakas ng 6 pulis

0 301

Arestado ang anim na miyembro ng MOA Police Substation 10, kabilang dito ang dalawang opisyal, matapos umano nilang pakawalan ang isang Chinese na may dalang baril at bala habang nagmamaneho ng walang lisensya sa inilatag na Oplan Sita sa Pasay City noong Sabado.

Ayon kay Pasay City Police chief Col. Cesar Paday-os, nalaman lang niya ang insidente noong Miyerkoles kung kaya’t ipinatawag niya ang mga pulis na kinilalang sina Maj. Crisanto Racoma, Lt. Noelson Garcera, SSgt Johnvir Tagacay at Cpl Jayson Lunas, Jerson Bauzon at Christian Cadingan kung saan ay agad din silang dinisarmahan at hinuli.

Base sa Pasay police chief, kakasuhan ang anim na pulis ng Obstruction of Justice.

Ayon sa ulat, nakadestino sa Oplan Sita ang mga pulis malapit sa nasabing mall noong Sabado ng gabi nang dumaan ang hindi pa nakilalang Chinese lulan ng Ford Mustang.

Walang driver’s license ang banyaga, at may natagpuan pa sa loob ng kanyang sasakyan na Roni kit para sa short firearm at mga live ammunition ng cal .9mm, personal na gamit tulad ng relo na Rolex, cellphone, laptop, pera at iba.

Gayunman, pinakawalan umano ng mga pulis ang Chinese at inisyuhan lang ng official violation receipt (OVR), na dapat sana ay dinakip at nakasuhan sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sinibak na ang mga ito sa MOA substation 10 at itatalaga sa Admin Holding habang umaandar ang kaso laban sa kanila. (Mia B Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.