Una sa Balita

Chinese Coast Guard isinumbong sa Beijing – Palasyo

By
0 1,600

ISINUMBONG na ng gobyerno sa Chinese embassy ang naging karanasan ng tatlong mangingisdang Pinoy na kinuhanan ng Chinese Coast Guard ng kanilang mga nahuling isda sa Scarborough Shoal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakipag-ugnayan na si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua para ireklamo ang Chinese Coast Guard.

Kinukuhanan umano ng Chine Coast Guard ang mga mangingisda ng kanilang huli pero may kapalit na noodles, sigarilyo at tubig.

Iniharap pa ni Roque sa kanyang regular press briefing ang tatlong mangingisda na sina Delfin Egana, Romel Cejuela at Jury Drio mula sa Masinloc, Zambales. Inilahad ng tatlong mangingisda ang pag-akyat ng mga Chinese Coast Guard sa kanilang bangka noong Mayo at kinukuha ang mga isdang gusto nila.

“Nakausap ko rin si Ambassador Zhao dahil ‘yung special circumstance na nagkataon naman kliyente ko po itong mga mangingisda. In-assure po ako ng ambassador na hindi ito polisiya ng China, nag-iimbestiga ang Beijing at kung mapapatunayan ang sinabi ng mga mangingisda ay mayroong kaparusahang ipapataw sa Chinese Coast Guard,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na naniniwala siyang hindi ito official policy ng China dahil napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na walang gagalawin sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.