Una sa Balita

China pinaboran sa P36.4B Mindanao railway

By
0 1,368

BINULABOG ng eskandalo ang Mindanao railway project ng gobyerno dahil sa pagbubunyag ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na kumikilos ang China para makontrol ang proyekto.

Ipinahayag nitong Biyernes sa isang press conference ni DOTr Assistant Secretary Mark Tolentino ang matinding pressure sa loob ng kagawaran para ituloy ang Phase 1 ng 2,000 kilometer railway project na nagkakahalaga ng P36.4 bilyon na gagastusan mula sa foreign creditor o Official Development Assistance (ODA).

Kinuwestiyon ni Tolentino kung bakit pa uutang ang pamahalaan kung may budget naman ito para sa nasabing proyekto.
Nabatid kay Tolentino na nakatakda nang simulan ang proyekto sa ikalawang quarter ngayong taon gamit ang pondo mula sa 2018 General Appropriations Act. Itinakda na rin sa Hunyo ang bidding at ang awarding ng kontrata ay gaganapin sa Nobyembre.

Pero may mga tao diumano sa DOTr na kumikilos para maantala ang proyekto upang makuha ito ng pinapaboran nilang creditor o contractor.

Sa hiwalay na pana­yam sa radyo, tinukoy ni Tolentino ang pinapaborang contractor na galing China.

Binanggit din nito si DOTr Undersecretary Timothy John Batan na kabilang sa grupo na nais ibigay ang Mindanao railway project sa China.

Binigyang-diin na naman ni Batan na kaya gusto niyang i-delay ang proyekto ay dahil nais ng China na pondohan ang mga susunod pang phase ng Mindanao railway.