Una sa Balita

China kinalampag sa nilagdaang kasunduan

By
0 6

Kinalampag ng administrasyong Aquino ang China sa niratipikahan nilang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong Disyembre 10, 1982.

Ito ang buwelta ng Malacañang matapos magbabala ang China na hindi nila susundin ang lalabas na desisyon ng Arbitral Tribunal hinggil sa petisyong inihain ng Pilipinas laban sa China.

Matatandaan na inihain ng Pilipinas ang kaso noong 2013 subalit nitong 2015 nagkaroon ng pagdinig sa Tribunal at inaasahang lalabas ang desisyon ngayong taon.

Kinuwestiyon ng Pilipinas ang “9-dash claim” ng China na nagresulta sa pag-angkin sa halos kabuuan ng South China Sea, kabilang na ang teritoryo ng Pilipinas na tinatawag ngayong West Philippine Sea.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., sumusunod lamang ang Pilipinas sa rule of law na nakapaloob sa UNCLOS kung saan isa ang Pilipinas at China sa lumagda at nagratipika nito.

“Ang inihaing petisyon ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration ay bilang pagtalima sa rule of law na nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na kung saan isa ang Pilipinas sa 166 na mga bansang nagratipika ng nasabing kasunduan.” diin ni Coloma.

“Ang hakbang ng Pilipinas ay patuloy na umaani ng suporta mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.” dagdag pa niya.