Una sa Balita

China kay Duterte: Isara POGO!

0 327

NANAWAGAN ang China sa Pilipinas na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gamblin­g sa pagsasabing ito ang “most dangerous tumor in modern society.”

Sa isang press conference nitong Martes, sinabi ng foreign ministry spokesperson ng China na si Geng Shuang, na bagama’t nagpapasalamat sila sa ginawan­g suspensyon sa pag-iisyu ng lisensiya sa offshore gaming, dapat umanong isagad na ng Pilipinas ang pag-ban sa online gambling.

“We hope the Philippines will go further and ban all online gaming,” saad ni Geng.

Umaasa din ang China na sana’y makipagtulungan ang Pilipinas sa pagsugpo ng kriminal na aktibidad tulad ng online gambling at cyber fraud.

“This will help create an enabling environment for the development of bilateral relations and peace and stability in the region,” dagdag ng opisyal.

Kahit pinagbabawal ang sugal sa China, marami naman sa kanilang mamamayan ang naaadik sa pagsusugal online.

Nauna nang nanawagan ang China sa Philippine government na parusahan ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na iligal na tumatanggap ng Chinese worker. Nagpahayag din sila ng pagkabahala sa kanilang mamamayan na nabibiktima ng extortion, kidnapping at tortyur.

Mayroong 58 POGO ang nag-o-operate sa bansa kung saan tinatayang 138,000 dayuhan ang nagtatrabaho sa industriyang ito.

Online gaming ayaw i-ban
Tila ayaw naman ng pamahalaan na sundin ang panawagan ng China na i-ban ang mga online casino sa bansa.

Sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na kailangan pang pag-aralan kung ipagbabawal na ang operasyon ng POGO sa bansa.

Ayon kay Lorenzana, makikibahagi siya sa paggawa ng assessment ukol sa POGO sa bansa at dapat umanong pag-aralang mabuti kung ipagbabawal nga ang nasabing sugal na pinapatakbo ng mga Chinese national.

Dagdag pa ng kalihim, sa isasagawang assessment kasama ang economic team ng gobyerno at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay malalaman kung anong hakbangin ang gagawin sa mga isyung bumabalot sa mga POGO.

Malaki din ang naiiambag ng POGO’s sa ekonomiya ng bansa saad pa ni Lorenzana.

“The POGO operations is bringing us substantial amount of money, depende kung willing ang gobyerno na alisin ito, we will explore and study some more before we can make the recommendation,” pahayag ni Lorenzana.

Matatandaang nauna nang nagpahayag si Lorenzana ng pag-aalala na posibleng maging banta ng seguridad ang POGO na halos karamihang empleyado ay mga Chinese national dahil sa posibleng ginagamit ito sa pag-eespiya ng China sa bansa.

Binanggit naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nasa kamay ni Pangulong Duterte ang desisyon kung ipagbabawal niya ang operasyon ng POGO sa bansa. (Edwin Balasa/Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy