Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Chicken Marsala swak sa panlasang Pinoy

0 120

Ang Chicken Marsala ay isa sa mga Italian food na tiyak na magugustuhan ng panlasang Pinoy. Malasa kasi ito at medyo matamis. Ang sauce ay bumabalot sa manok at mushroom.

Ang Marsala ay isang lugar sa Sicily, Italy na kilala sa paggawa ng red wine. Mayroon ding white, sweet at dry Marsala.

Ang sweet red Marsala wine ang kadalasang ginagamit sa pagluluto. Ang Marsala wine ay may additional alcohol content. Ang base wine kasi ay fermented ng hanggang 12% alcohol at dinadagdagan ito para umakyat ng hanggang 17% – 18% ang alcohol content nito.

Sa paggawa ng Chicken Marsala, kailangan siyempre ng chicken breasts na hihiwain ng manipis at tatanggalan ng mga buto. Maghanda ng apat na pirasong hiniwang maninipis na tinanggalan ng balat.

Kailangan din ng arina, Kosher salt at pamintang durog (mas maganda kung ikaw na ang dudurog para fresh), 1 kutsaritang pinatuyong basil, 4 na kutsarang butter, 2 kutsarang olive oil, 3 onsang proscuitto ham na hihiwain, 12 onsang puting mushrooms at hihiwain ng manipis, 1 tasang sweet Marsala wine, 1 tasang sabaw ng manok, 1 tasang parsley.

Sa isang pinggan, ilagay ang arina at haluan ng asin at paminta kasama ang tuyong dahon ng basil. Paghaluin.

Sa isang malaking skillet o kawali, initin (sa medium heat) ang 2 kutsarang butter at 2 kutsarang olive oil. Isawsaw ang chicken breast sa arinang nilagyan ng pampalasa at ilagay sa mainit na butter at olive oil. Apat na minutong lutuin ang bawat bahagi nito hanggang maging golden brown. Iahon na ang manok at saka naman iprito ang proscuitto ham hanggang sa maging tustado. Iahon na ang ham.

Ilagay ang mushroom sa pinaglutuang mantika at igisa hanggang maging malambot. Siguro ay mga limang minuto ang paggisa. Lagyan ng asin at paminta ang mushroom.

Lakasan ang apoy at idagdag ang isang tasa ng Marsala red wine sa mushroom na nasa kawali. Kudkurin ang mga dumikit na piraso ng ham para humalo sa niluluto. Bawasan ang lakas ng apoy sa medium at idagdag ang isang tasang sabaw ng manok. Bahagyang pakuluin. Ihalo ang natitirang 2 kutsarang butter at ibalik ang nilutong chicken sa kawali. Painitin lang ang manok. Dagdagan ng kaunting asin at paminta kung gusto ng dagdag na lasa.

Ilagay ang manok, mushroom at sauce sa pinggan. Ilagay sa ibabaw ang maliliit na piraso ng proscuitto ham at ang tinadtad na parsley.

Ready na ang Chicken Marsala!

Mayroon ba kayong kakaibang recipe o menu na nais ibahagi? Ipadala sa aming Facebook Page: Patikim Nga o sa email: marou70@gmail.com

 

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.