Una sa Balita

Chel Diokno: Hindi pa ba tayo nadala sa mga Marcos?

0 877

NAKATIKIM ng masasakit na salita si dating Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa mga kalabisang ginawa ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa panahon ng Martial Law.

Sa isinagawang senatorial debate ng GMA-7 noong Sabado, Pebrero 9, harapang sinabihan ni De La Salle University law dean Chel Diokno si Imee kung paano sinamantala ng kanyang ama ang Martial Law noong 1972 matapos na tanggalin ang term limits at magpayaman ang kanyang pamilya.

“Hindi pa ba kayo nadala sa nangyari sa atin noong Martial Law?” banat ni Diokno, na ang amang si Jose ‘Pepe’ Diokno ay lumaban sa diktaduryang Marcos.

Nagtawanan ang mga audience sa binanggit ng batang Diokno, habang si Imee ay pilit naman ang ngiti na tila napahiya nang oras na iyon.

Ginamit pang ehemplo ni Diokno ang umano’y pagnanakaw ni Marcos sa kaban ng bayan bilang rason kung bakit kailangang ibasura ng mamamayan ang pagtanggal ng term limit sa pangulo ng bansa.

“Nakalimutan na ba natin ang ating kasaysayan na meron tayong isang pangulo na niluklok ang sarili bilang diktador para maiwasan ang term ­limits? Ginawa niyang kasangkapan ‘yun para siya’y magkamal, at pamilya niya ng kelaki-laking pera na sinabi ng Korte Suprema na pera ng ­bayan at ill-gotten wealth,” litanya ng kandidato sa ­pagka-senador.

Kung maaalis aniya ang term limit, lalo lamang magbababad sa puwesto ang mayayaman at makapangyarihang politiko sa bansa.

“Ang term limits parang nagiging pag-aari ng mga nakapuwesto ang kanilang mga puwesto. Ang taumbayan po ang may-ari ng mga puwesto na ‘yan at sila po dapat ang mamimili. Kapag wala po tayong term limits, magiging pag-aari po ng mga politiko po ‘yan,” paliwanag ni Diokno.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy