CHED haharangin sa isasarang campus

By

Pipigilan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hakbang ng Commission on Higher Education (CHED) na ipasara ang extension campus ng Bukidnon State University (BSU) sa katwirang mahigit­ 5,000 estudyante mula sa Misamis Oriental ang maaapektuhan nito.

Una nang ipinasa ng House committee on higher and technical edu­cation ang mosyon na nag-aatas sa CHED na kalimutan na ang plano­ nitong pag-abolish sa BSU extension campus at umaasa itong kakatigan sila ng mayorya sa oras na maisalang sa plenaryo ang usapin.

Ayon kay Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer, ang chairperson ng komite, nakalulungkot na ang CHED na naatasan na tiyakin na may access ang lahat sa edukasyon ay siya pang ­sisira sa kinabuksan ng mga ­estudyante dahil sa planong ipasara na ang BSU-External Studies Centers (BSU-ESCs).

Ani Hofer, karamihang galing sa mahihirap na pamilya ang mga estudyanteng nag-aaral sa BSU at kung ipasasara ang extension campus ay tiyak na marami sa mga mag-aaral ang hindi na magtutuloy sa pag-aaral.

Sa halip na ipasara, aatasan ng Kamara ang CHED na makipag­koordinasyon sa lokal na pamahalaan at ma­ging sa mga mambabatas para ­alamin kung ano ang mga kulang sa external studies centers para mapagtuunan ng pansin.

Sa ipinalabas na memorandum order ng CHED, iniutos nitong ipasara ang 11 BSU-ESCs sa Misamis Oriental, tatlong external centers na nasa unang distrito, pito naman sa centers na ino-operate ng BSU ay nasa ikalawang ­distrito at isa sa Caga­yan de Oro.

Ang basehan ng CHED sa pagpapasara ng mga external centers ay dahil hindi umano nakasunod ang mga ito sa basic standard requirement gaya ng kawalan ng sapat na classrooms, full-time personnel, kawalan ng library, at school facilities. 

SHARE