Una sa Balita

Checkpoint sa Metro Manila pinaigting ng NCRPO

By
0 1,269

LALO pang paiigtingin ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang pagsasagawa ng police checkpoints kaugnay ng pag-uumpisa ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, kahapon ng madaling-araw.

Kahapon ay naglun­sad ng kani-kanilang check­points ang mga po­lice district kabilang ang Quezon City Police District (QCPD), Manila Police District (MPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District (SPD) at Eastern Police District (EPD).

Pangunahing ipatutupad sa ‘election period’ ang pagbabawal sa pagdadala ng baril kahit na may dokumento ito, habang kanselado rin ang ‘permit to carry outside residence’ ng mga lehitimong gun owner.

Tatagal ang election period mula Abril 14 hanggang Mayo 21.

Sinabi ni SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario, dati nang ipinatutupad ang mga checkpoint sa kanilang mga nasasakupan laban sa kriminalidad, na mas paiigtingin ngayon at may koordinasyon sa Commission on Elections (Comelec).

Ipinaalala ng Comelec na dapat may sapat na ilaw sa mga itatatag na checkpoints, may mala­king placard na nakasaad na ‘Comelec Checkpoint’, nakasulat ang pangalan ng election office at station commander, nasa ma­ayos na uniporme ang mga pulis, at magagalang sa mga motorista.

Nilinaw rin ng ahensiya na dapat ay ‘plain view o visual search’ lamang ang isagawa ng mga pulis sa mga motorista na paparahin.

Ayon naman kay EPD Director Chief Supt. Reynaldo Biay, ang pagsasagawa ng checkpoint ay sabay-sabay na ipinatupad ng mga kawani ng Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan City Police at District Mobile Force Battalion simula nitong Sabado ng madaling-araw.

Una nang sinabi ni NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde na nasa 15,000 pulis ang ikakalat nila sa Metro Manila partikular na sa 53 tukoy na ‘critical areas’ lalo na sa mga lungsod ng Taguig, Caloocan at Navotas City.