Una sa Balita

Chairman nanlaban sa buy-bust, dedo

0 357

PATAY ang isang incumbent barangay chairman na isa diumanong high value target na tulak ng iligal na droga matapos na manlaban ito sa isinagawang buy-bust operation sa Naga City, Camarines Sur.

Kinilala ang napatay na suspek na si Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite chairman Dirimpa­san Pangandag, alyas ‘Chairman’ o ’Bong’, 51, Number 1 Regional Recalibrated Priority Data Base on Illegal Drugs ng Region 4A.

Base sa ulat ng Naga City Police Office, isang buy-bust operation ang kinasa ng pinagsanib na puwersa ng Naga City Police, Cavite Police Provincial Office, at 9th Infantry Division ng Philippine Army laban sa suspek dakong ala-1:20 Martes ng hapon.

Nagkasundong magkita ang suspek at ang isang police poseur buyer sa Almeda highway sakop ng Brgy. Concepcion Grande ng lungsod na ito, upang ibigay ng una ang kinukuhang shabu ng buyer.

Subalit nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon dahilan upang bumunot ito ng baril at paputukan ang awtoridad.

Gumanti naman ng putok ang pulisya dahilan ng agarang kamatayan ng suspek, nakuha sa pag-iingat nito ang dalawang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P28,000, isang P1,000 bill na ginamit na buy-bust money at isang kalibre .45 baril na pag-aari ng suspek. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More