Una sa Balita

Cha-cha ‘wag pag-aksayahan ng oras

0 135

Ang nakapagtataka ay kung bakit nakuha pa ng mga Kongresista na pag-aksayahan ng oras ang panukalang Charter change (Cha-cha) partikular sa sistemang fede­ralismo.

Papatapos na ang termino ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at iba pang lider ng Kamara pero bakit kailangan pang ipilit ang Chacha.

Mabuti na lang at hindi kumagat ang mga senador lalo na si Senate President Tito Sotto na naikabit pa na siyang nais na ipampalit kay Pangulong Duterte sa transitibo period.

Walang nang oras daw ayon sa mga senador ang pagtalakay sa Cha-cha kung kaya’t maaaring ito ay mapag-usapan na sa susunod na balangkas ng Kongreso matapos ang 2019 elections.

Pero kahit may oras pa sa pagtalakay ay malabong makalusot ang Cha-cha dahil ang pangunahing makikinabang dito ay ang mga politiko mismo.

Dapat ay unahin ng mga kongresista na bumalangkas ng batas kung papaano maiibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa mataas na bilihin at serbisyo sa bansa.

Baka matuwa pa ang publiko sa mga kongresista sa halip na Cha-cha ay kanilang isinulong na suspen­dehin ang probisyon sa excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng Train Law na isa sa nakapag-ambag para lalong tumaas ang inflation rate sa bansa.

Wala sa timing ang mga pinag-iisip ng mga kongresista at ang pananaw dito ng publiko ay pansariling interest lang.
Samantala, lumabas na ang pulso ng taumbayan at batay sa pinakahuling survey ay mayorya ng mga Pilipino ay ayaw sa Cha-cha.

Batay sa mga naunang balangkas ng panukala lalo na sa federalismo ay napag-alamang mas dadami pa ang mga opisyal ng gobyerno na pasusuwelduhan ng mga tax payer.

At mismong mga economic manager ni Pangulong Duterte at hindi pabor sa panukalang federalismo na uri ng gobyerno dahil masyadong magastos at hindi kakayahin na pondohan ito kung kaya’t dapat ng manahimik ang lahat lalo na ang mga kongresista na atat na atat sa Cha-cha dahil sa pansariling pakinabang.