Una sa Balita

Cha-cha ni Gloria Arroyo abante sa Kamara

By
0 627

UMUSAD sa Kamara ang isinusulong na pagbabago ng Konstitusyon na magbibigay-daan sa pagtatatag ng federal government.

Inendorso ng House Committee on Constitutional Amendments sa plenaryo ng Kamara ang binalangkas na Konstitusyon na inihain ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang kongresista.

Sa report ng natu­rang komite na may petsang Oktubre 2 nga­yong taon, inirekomenda ang pag-apruba sa binalangkas na Saligang Batas nang walang pag-amyenda.

Ayon kay Leyte Rep. Vicente Veloso, ang panukala ay hiwalay sa federal charter na binuo ng consultative committee ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mahahalagang nakapaloob sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) ng Kamara ay pagkakaroon ng dalawang party system at pagpaparusa sa maglilipat-bakod.

Sa Kamara, itataas sa 300 ang mga miyembro at pahihintulutan pa rin ang party-list.

Sa Senado naman ay tatlong senador ang kinakailangang ihalal sa kada rehiyon.

Kinakailangang may degree sa kolehiyo ang tatakbong kongresista at senador.

Aalisin na ang term limit at ang isang termino ay tatagal ng hanggang apat na taon.

Bibigyan ng kapangyarihan ang mga mambabatas na ipatawag at kuwestyunin ang mga gabinete kapag may sesyon ang Kongreso.

Sa usapin ng pambansang pondo, pagbabawalan ang mga mambabatas na dagdagan ang appropriations na inirekomenda ng Presidente, maliban sa budget ng Kongreso at Judicial department.

Samantala, kinakailangang may college degree na rin ang Pangulo at Bise Presidente at dapat 45 pataas ang edad.

Lilimitahan sa apat na taon ang termino ng Presidente at papayagan ang isang re-election.

Isinama na rin ang “lawless violence” sa mga basehan para makapagdeklara ng Martial Law ang Presidente.
Pagbabawalan na ang tropa, pasilidad at base militar ng mga dayuhan.

Lilimitahan na rin ang panahon ng kampanya sa 30 araw para sa regional at local elections habang 90 araw sa presidential elections.

Sa ilalim ng federal government, bibiyakin sa limang rehiyon ang bansa kabilang ang Luzon, Visayas, Min­danao, Bangsamoro, at Metro Manila.

Tatlong porsiyento ng national budget ay ilalaan bilang equali­zation fund at ang finance commission ang mamamahagi depende sa pangangailangan ng bawat rehiyon.

Kinakailangan ng two-thirds na boto mula sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kongreso sa pag-amyenda o pagbabagong gagawin sa Konstitusyon.

Nakasapin naman sa transitory provision na walang term extension ang kasalukuyang Presidente at Bise Pre­sidente.

Pagbabawalan din ang incumbent President na tumakbo sa 2022 elections.

Itatakda ang unang national, regional at local elections sa panga­lawang Lunes ng Mayo 2022.

Nabatid na ang panukalang Cha-cha ay inihain ni SGMA nito lamang Setyembre ng kasalukuyang taon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy