Una sa Balita

Cha-cha ‘di pa patay, nag-iipon lang ng lakas – Andanar

By
0 176

KINONTRA ng Malacañang ang pahayag ng Kongreso na pumanaw na ang isinusulong na Charter change (Cha-cha) ng Duterte admi­nistration.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nag-power nap lamang ang Cha-cha at nag-iipon ng lakas para kapag nagi­sing ay tuloy-tuloy na ang kampanya sa pede­ralismo.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Andanar na iginagalang nila ang opinyon ng mga mam­babatas patungkol sa Cha-cha.

Ang mahalaga ayon sa kalihim ay maintindihan ng mga Filipino ang kahalagahan ng pederalismo dahil ito talaga ang misyon nila sa kanilang information drive, ang maiparating ang layunin nito sa taumbayan.

“Cha-cha is just on a power nap. Ibig sabihin eh nag-iipon lang ng lakas para paggising ay tuloy-tuloy na ang kampanya dito sa pedera­lismo,” ani Andanar.

Tanggap aniya ng Palasyo ang posibilidad na pagkatapos na ng midterm elections maisusulong ang pede­ralismo dahil sa pagdududa ng ilan na baka maging daan ito para mapalawig ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang makailang ulit nang inihayag ni Pangulong Duterte na wala siyang planong mapalawig ang termino nito pagkatapos ng 2022.