Una sa Balita

CEMEX kumita ng P1B sa landslide

0 389

MAHIGIT isang bil­yong piso ang kinita ng CEMEX Holdings Philippines Inc. mula sa insurance na kinubra nito nang magka-landslide sa Naga, Cebu noong September 20, 2018 kung saan 53 ang namatay at nawasak ang kinatitirikan ng pamayanan.

Ang CEMEX ang may-ari ng APO Cement na siyang kumikita sa kina-quarry sa lugar.

Ayon sa kompanya, nakakuha ito ng P662.2 milyon mula sa insu­rance claims nito nu’ng 2018 at nakakuha pa ito ng P447.1 milyon nga­yong taon na kasama na ang karagdagang claims na ngayong taon lang din sinampa.

Ang kinubrang insurance ay dahil sa nangyaring landslide sa Naga, Cebu noong September 20, 2018 na ikinamatay ng 53 katao.

Ayon sa CEMEX, nasa P83.8 milyon lamang ang nalugi sa kompanya dahil sa landslide dahil natabunan ang imbentaryo nito at hindi sakop ng insurance ang iba pang nalugi nito na umaabot sa P71.7 milyon.

Sa palagay ng CEMEX, nakalusot na rin ito sa pagbabayad ng P4.8 bilyong danyos para sa mga biktima nang hindi pinayagan ng Regional Trial Court ang aplikasyon ng mga biktima para sa Temporary Environmental Protection Order noong August 16, 2019.

November 2018 inihabla ng 40 na katao at isang grupo ang CEMEX na sinisisi nito sa pagkasira ng kanilang kapaligiran kaya nagka-landslide at namatay ang 53 na tao. Pinagbabayad ng mga nagreklamo ang CEMEX ng P4.3 bilyon para sa mga namatayan at napinsala at ng P500 milyon para irehabilitate ang kanilang kapaligiran.

Hiniling din ng mga nagreklamo sa korte ng isyuhan ang lugar ng Temporary Environment Protection Order habang nililitis pa ang kaso.

Kinampihan na ng korte ang CEMEX noong September 30, 2019. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy