Una sa Balita

Celfone load gagawing ‘nakaw’ proof

By
0 9

Isa ka ba sa napipikon sa nawawala o nababawasan o nananakaw na load sa prepaid mobile phone?

Puwes! May solusyon na sa problema dahil sa inihaing Senate Bill 848 o ‘Prepaid Load Protection Act of 2016’ ni Senate minority leader Ralph Recto.

Layunin ng nasabing panukala na masiguro na ang kahuli-hulihang sentimo ng load ay magagamit ng konsumer sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga telecommunication companies (telcos) ng expiration dates sa kanilang mobile at landline prepaid and electronic load at pagbabawal na ma-forfeit ang load credits na nai-load na sa mga cellphone.

Inaatasan din ang mga telcos na mag-refund sa kanilang mga subscriber sa sitwasyon na nakaltas o nawala ang load nang walang balidong dahilan at ang mga lalabag dito ay mahaharap sa P100,000 hanggang isang milyong pisong multa o pagkakakulong ng dalawa hanggang anim na taon at pagkansela ng permit.

Sa talaan ng National Telecommunications Commission (NTC) ay umaabot na sa 100 milyon ang prepaid mobile subscribers kaya naman sa expiration period na itinatakda ng mga telcos sa kanilang prepaid call at text card at e-load expiration na tatlo hanggang 120 araw depende sa ha­laga ng load ay malaking halaga ang nalulugi sa mga konsumer at dagdag na kita naman sa mga kumpanya.

Nabatid na noong 2009 ay naghain na ng kahalintulad na panukala si dating Sen. Miriam Santiago at 2014 naman nang unang inihain ni Recto ang nasabing bill ngunit kapwa umabot lamang ito sa first reading.