Una sa Balita

CebuPac pasahero nabiktima ng Maleta Gang

By
0 1,552

ASAHANG may masasa­bong na naman si Pa­ngulong Rodrigo Duterte matapos mag-viral ang video ng isang pasahero ng Cebu Pacific na nawalan ng mga gamit sa kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na batid ng mga opisyal ng gobyerno at ng publiko na nagagalit ang Pangulo kapag nababalitaang may nananakawang pasahero lalo na kapag overseas Filipino worker (OFW) dahil parang ang Presidente ang binastos dito.

“Boldyak, boldyak na naman iyan kung sino ang responsable diyan sa nakawan na iyan. Alam ninyo naman ang Presidente, lalong-lalo na ang OFW, huwag ninyong lalapastanganin iyan dahil parang nilapasta­ngan ninyo na ang Presi­dente dito. Boljak na naman po iyan,” ani Roque.

Sinabi ni Roque na ayaw niyang isiping sinasadya ang pagnanakaw sa laman ng bagahe ng mga pasahero sa airport kaya hintayin na lamang kung ano ang gagawin ng Pangulo kapag makarating sa kanya ang impormasyon.

“Baka naman hindi. Let’s give them the benefit of the doubt. Pero kung nakawan na naman iyan, naku nakita ninyo naman ang reaksiyon ng ating Pangulo. Hindi po papayagan iyan dahil ang ating mga OFW, iyan po ay mga bayani ng ating bayan,” dagdag pa ni Roque.

Nag-viral sa social media ang video ng isang galit na galit na pasaherong kararating lamang sa bansa mula sa Hong Kong matapos mapansing wala na ang kandado ng kanyang suitcase at nang i-check ay wala na ang iPad, pabango at mga chocolate sa loob ng bag.

Matatandaang sa talumpati ng Pangulo sa Filipino community nang magtungo sa Hong Kong noong Huwebes ng gabi ay ipinagmalaking wala nang magaganap na nakawan ng mga bagahe dahil sinibak na niya ang lahat ng emple­yado ng MIASCOR na na­ngangasiwa sa pagdiskarga ng mga bagahe ng pasahero ng mga eroplano.