Una sa Balita

CebuPac-Gokongwei, PAL-Lucio Tan tandem sa NAIA cartel

0 749

IBINABALA ng mga kongresista na posibleng mauwi sa cartel ng Cebu Pacific at Philippine Airlines (PAL) kapag natuloy ang bagong airline assignment sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nakapaloob ang pagbabago sa airline assignment sa NAIA terminal rationalization plan ng Manila International Airport Authority­ (MIAA) na layuning maayos ang air traffic sa NAIA.

Una nang inanunsiyo na ipatutupad ito epektibo sa Agosto 31 ngayong taon subalit nilinaw ng MIAA sa isang pahayag nito na hindi matutuloy ang bagong airline assignment sa NAIA dahil may nagaganap pang pag-uusap sa ilang airline operator.

Sa kabila nito, nagpahayag ng pagdududa si Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate kung magbubunga ito nang mainam na serbisyo para sa kapaka­nan ng mga pasahero.

Pinuna ng kongresista na nakakalamang o liyamado sa airline assignment ang CebuPac ng bilyonaryong si Lance Gokongwei at ang PAL na pag-aari ng bilyonar­yo ring si Lucio Tan.

Sinabi ni Zarate na batid naman aniya ng publiko ang kapalpakan ng CebuPac.

“I hope na ‘yung assignments na ‘yan will result to efficient services dahil notorious nga sila in the past (CebuPac). So ang nagiging tugon ng DOTr (Department of Transportation) is i-rationalize ‘yung distribution nu’ng mga terminals natin. Hopefully that will cure the problem pero eventually ang tingin ko sa solusyon na ‘yan ay very tactical, kasi talangang congested na itong ating international airport dito,” pahayag ni Zarate sa panayam kahapon.

Ayon naman kay Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao, cartel na ang mangyayari sa CebuPac at PAL kapag natuloy ito.

“‘Yung mga sister companies kasi nila involve dito sa redevelopment ng Terminal 2 and 3. Ang nangyayari nga­yon ‘yung airline business ng CebuPac at PAL is not just limited doon sa selling ng tickets, travel which includes also ‘yung airport na. Kumbaga nag-evolve na ang CebuPac at PAL into a transportation cartel, kumbaga ang ginagawa na nila ngayon kinokopo na nila ang lahat ng aspeto sa industriya ng airline which supposedly is a primordial responsibi­lity and obligation of the state, ng gobyerno na pangunahin sa kanya dapat ang airport. Hindi lang simpleng management dahil nga duda tayo bahagi ito ng mga PPP (private-public partnership),” komento ni Casilao sa panayam ng Abante.

Dapat hindi anya masapawan ang gobyerno ng mga pribadong kompanya sa pagmamando ng paliparan.

“Pero eventually ang epekto nito hindi lang sa usapin ng presyo ng mga biyahe o ng tiket ‘yung management sa loob ng mga airport na ito Terminal 2 at 3 malalaman mo na may papel na rin ang pribado, which I believe taliwas ito sa ano mang prinsipyo na dapat fully regulated ng gobyerno. We can point our fingers sa DOTr in particular dahil nga sa kanila naman ito. Huwag nilang hayaang todong isuko ang kanilang obligasyon at regulasyon lalo pa sa pangangalaga ng ating mga airport,” dagdag ni Casilao.

Binigyang-diin pa ni Casilao na negosyo at hindi serbisyo ang prayoridad ng mga airline gaya ng CebuPac at PAL.
“Ang papel ng mga pribado tulad ng CebuPac at PAL pangunahin diyan ang interes nila kumita, negosyo ‘yan. Hindi ‘yan serbisyo. Sa atin ang gobyerno dapat ang pangunahing concern niya ito ay serbisyo. Ito ay dapat pangunahin sa usapin ng public transportation which is an airline. Bagama’t wala syang pang-gobyernong airline ngayon maliban sa C-130 na ‘yan huwag niyang ha­yaan todong i-monopolyo ng pribadong kompanya tulad ng CebuPac at PAL even ‘yung sa usapin ng airport,” giit ni Casilao.

“Suwapang it’s a layman’s term pero ang sa atin monopolyo at tila nagiging cartel na,” ayon pa sa militanteng kongresista.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy