Una sa Balita

CBCP umaray sa mga banat sa trahedya

0 237

Hinikayat ng isang obispo ng simbahang Katoliko ang publiko na itigil na ang pagbibigay ng mga ‘insensitive remarks’ kaugnay nang naganap na trahedya sa pananalasa ng bagyong Ompong sa Luzon noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Bishop Victor Bendico ng Baguio, dapat nang tuldukan ang pagbibigay ng mga maling akusasyon at hindi akmang ‘name calling’ dahil nakakadagdag lamang ito sa sakit na nararamdaman ng mga nagdadalamhating mga pamilya at iba pang nabiktima ng bagyo.

Sinabi ng Obispo na hindi dapat na gamitin ang kalungkutan ng iba bilang sandata para sa makasariling propaganda lamang.

Abante Hiring – IT dep

Hindi umano ito makatutulong upang pagaanin ang hirap na pinagdaraanan ng typhoon victims, at sa halip ay nakakadagdag lamang ng kalituhan at naghahasik pa nang pagkakawatak-watak.

Una nang isinisi ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa mga pari ang pagkamatay ng ilang residente na lumikas sa isang simbahan sa kabundukan ng Itogon, Benguet, na minalas na gumuho noong kasagsagan nang pananalasa ng bagyong Ompong.

Nilinaw naman na ng Catholic Bishops’ Confe­rence of the Philippines (CBCP) na hindi Catholic church ang gumuhong istraktura, na natuklasang isa palang dating mining bunkhouse na ginawa namang chapel ng Pentecostal group.

Sinabi pa ni Bendico na pagkakaisa at koope­rasyon ang kailangan ng mga Pinoy sa panahon ng kalamidad at hindi sisihan at paghahasik ng galit.

Samantala, pinuri naman ng obispo ang mga taong walang pagod na tumutulong sa pagsagip sa mga taong nalibing ng buhay sa naganap na landslide sa Itogon, gayundin ang mga sangkot naman sa relief operations.(Juliet de Loza-Cudia)