Una sa Balita

Cayetano traydor sa West Philippine Sea – Alejano

By
0 1,143

INAKUSAHAN ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano ng pagtatraydor sa isyu ng joint exploration sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa kongresista, wala siyang pagtutol sa mga naunang pahayag ni Cayetano kung saan ay tiniyak nito sa publiko na naaayon sa Konstitusyon ang joint exploration.

“However, Secretary Cayetano is now saying he is willing to put aside our rights in the West Philippine Sea for the sake of the joint exploration. These statements are irreconcilable,” paha­yag ni Alejano.

Iginiit ni Alejano na maituturing na pagtatraydor ang mga ipinahayag ni Cayetano ukol sa WPS.

“Imagine, our supposed top diplomat is acknowledging China’s rights over our own waters. Hindi pa ba tahasang katrayduran na ‘yan?” pagdiriin ni Alejano.

Hindi aniya dapat ikinokompromiso ang karapatan ng mga Pinoy at huwag ipilit ang joint exploration kung lalabag ito sa ating mga batas at Konstitusyon.