Una sa Balita

Cayetano paasa sa ABS-CBN franchise

0 693

KINASTIGO ni Albay Rep. Edcel Lagman si House Speaker Alan Peter Ca­yetano dahil sa pinaaasa lamang nito ang ABS-CBN na makapagpapatuloy ng operasyon kahit mapaso na ang prangkisa sa Marso 30.

Para kay Lagman, ilusyon na ­lamang na remedyo para sa ABS-CBN ang provisional authority na ipagkakaloob ng National Telecommunications Commission (NTC) para tuloy ang operasyon nito oras na mapaso ang prangkisa nito sa Marso 30.

Una nang sinabi ni Cayetano na walang dahilan upang apurahin ng Kamara ang pagkilos nito sa prangkisa ng naturang TV network kahit na mapapaso na ito sa Marso 30 dahil tuloy pa rin naman ang operasyon nito sa pamamagitan ng pagkuha ng provisional authority mula sa NTC at hangga’t hindi pa nag-a-adjourn ang 18th Congress.

Ngunit paglilinaw ni Lagman, kung ang Kamara na isang independent branch of government, ay naging sunod-sunuran sa ipinahayag na pagtutol ng Pangulong Rodrigo Duterte sa renewal ng prangkisa ng TV network, mas higit umanong walang maaasahan sa NTC, na isang ahensiyang nasa illim ng Executive Department na ang Pangulo mismo ang namumuno.

Dahil dito, ayon kay Lagman, binigyan lamang umano ng ilusyon na ­remedyo ang naturang TV network.

“ABS-CBN is being given an illusory alternative remedy instead of being granted a justified renewal of its franchise,” ayon kay Lagman kasabay ng paggiit na ang pag-renew ng prangkisa ay isang ligal na proseso na tanging ang Kongreso lamang ang may sole ­jurisdiction.
Hindi rin kumbinsido si Lagman sa dahilan ni Cayetano na maraming mas mahalagang panukalang kailangang unahing aksiyunan ng Kapulungan kaysa sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sanay naman umano silang mag-­multitasking.
Dahil dito, dagdag ni Lagman, sad­yang gusto lamang patagalin at upuan ito ng liderato hanggang sa abutan ng pagsasara ng 18th Congress at hindi na ito maaksiyunan. (Eralyn Prado)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More