Una sa Balita

Cayetano nuknukan ng sinungaling — Alejano

By
0 856

BUMUWELTA si Magdalo Party-List Rep. Gary Alejano kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Partikular ito sa paratang ng kalihim na nagpapakalat diumano ng fake news ang kongresista patungkol sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“If misinformation and lying is Secretary Cayetano’s brand of politics, then he should know that I am not like him,” pahayag ni Alejano kahapon.

Madali lamang aniyang matuldukan ang usapin sa lagay ng kalusugan ng Pangulo kung maglalabas ng medical bulletin.

Kung lagi umanong isasangkalan at gagamiting palusot na fake news ang usapin sa kalusugan ng Pangulo ay hindi nabibigyan ng kasagutan at linaw ang isyu na mahalaga para sa interes ng publiko.

“Huwag natin ilagay ang taumbayan sa alanganin dahil kung mahina at maysakit ang Pangulo, taumbayan din ang mahihirapan,” dagdag ni Alejano.

Inihayag din ng solon na lahat ng impormasyon na ibinunyag niya kaugnay sa West Philippine Sea ay kaya niyang patunayan.

Pero ang problema aniya sa administrasyong Duterte ay hindi naman umano tumutugon sa kanyang hamon.

Inihalimbawa ni Alejano ang pagtanggap niya sa alok ni Secretary Cayetano na sumama sa resupply mission ng Department of Nationa­l Defense (DND) sa Sandy Cay para mapatunayan na wala nang kontrol diumano ang mga Pinoy sa nasabing teritoryo.

Umaasa pa rin ang kongresista na tutuparin ni Cayetano ang kanyang pangako lalo na’t ito naman diumano ang nag-alok.