Una sa Balita

Cayetano nililihim ang gastos sa P1B OFW fund?

By
0 1,398

BINIRA ng pro-Duterte lawyer ang pamunuan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano dahil sa kawalan aniya ng guideline sa pagpapatupad ng P1 billion Assistance To Nationals (ATN) fund kaya maraming overseas Filipino worker (OFW) ang walang pakinabang dito habang kuwestiyunableng nauubos ang pondo.

Sinabi ni Atty. Bruce Rivera, na unang nagsiwalat na ilang diplomat ang nagrereklamo na walang magastos na ATN, na nakalulungkot na matapos gawing P1 bil­yon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ATN fund mula sa P400 milyon kada taon ay saka naman nagkaroon ng problema sa paghawak nito.

“Kung dati nagkakasya ang ATN at walang nagrereklamo sa paggamit nito pero ngayon nasa P1B na ang pondo ay nasaan na, bakit nagkukulang, siguro dapat magpaliwanag dito si Secretary Cayetano at si Office of the Migrant Workers Affairs (OUMWA) Sarah Lou Arriola,” paliwanag ni Rivera.

Nabatid na si Arriola ay nagsilbi rin na chief of staff ni Cayetano noong nasa Senado pa ito.

Sa isang Facebook post umano ay inihayag ni Ca­yetano na mayroon nang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng ATN pero ibinunyag ni Rivera na wala itong katotohanan dahil maging ang ilang mga diplomat ay nagha­hanap ng kopya ng IRR.

“Sa DFA website may mention na mayroong IRR ang ATN pero wala kaming nakita, ilang beses kaming nag-try na kumuha ng kopya, marami nang inutusan na hu­mingi ng kopya pero wala pati mga embassy officials kapag tanungin mo wala silang alam sa IRR na ito,” ayon pa kay Rivera.

Aniya, ang kawalan ng IRR ang siyang ugat ng anomalya dahil madaling maipalulusot ang paggamit ng ATN. Halimbawa umano ang palagiang sinasabi ng DFA na malaki ang ginastos sa repatriation ng mga OFW sa Kuwait pero wala namang inilalabas na datos ukol dito.