Una sa Balita

Cayetano nangumpisal sa kapalpakan

0 490

HUMINGI diumano ng paumanhin si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado dahil sa ilang kapalpakan sa pagho-host ng bansa sa 30th Southeast Asian (SEA) Games, ayon kay Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

Sa panayam sa dzBB kahapon, sinabi ni Go na nag-sorry si Cayeta­no, chairman ng Phili­ppine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), sa pangulo pagdating nito sa Philippine Arena para sa opening cere­mony ng SEA Games.

“Nabanggit nga ni Speaker Cayetano kay president, pagbaba pa lang (ng sasakyan) humingi siya ng paumanhin siguro sa mga pagkukulang o mga konting kapalpakan at sabi nya hopefully makaraos tayo at maayos­ natin ito after the ­opening,” sabi ni Go.

Aminado naman umano si Cayetano na may pagkukulang at aber­ya bago ang pagbubukas ng SEA Games.

“Aminado naman po si Speaker na may mga pagkukulang at may konting aberya na nangyari at mismong si pangulo sabi n’ya, hindi naman maiiwasan,” sabi ni Go.

“Ang importante masaya ang lahat. Di man mabura ay ma-uplift ang morale ng mga Pilipino, naging proud tayo, dapat maging proud tayo at manalo di lang sa opening,” dagdag pa nito.

Babala naman ng senador, bagama’t na­ging maganda ang seremonya ng pagbubukas ng SEA Games, magkaroon pa rin ng imbestigayon kung nagamit ba ng tama ang pondo sa naturang event.

“Kahapon, nabanggit ng ating Pangulo, bagama’t maganda yung naging opening, ay hindi ibig sabihin wala tayong gagawing imbestigasyon, kung saka-sakali,” sabi ni Go.

“Kung kailangan talaga na magkaroon tayo ng imbestigasyon, kung nagamit ba sa tama at walang nasayang na pondo na ibinigay sa Southeast Asian Games, mahalaga malaman ng bawat Pilipino na wala bang nasayang ni piso,” sambit pa nito.

Kabuuang P6 bil­yon ang budget ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa pagdaraos ng 30th SEA Games, pero P1.5 bilyon ay pinasa nila sa Phisgoc na isang foundation na pinamumunuan ni Cayetano. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More