Una sa Balita

Cayetano magre-resign kung tunay ang passport syndicate

By
Secretary Alan Peter Ca­yetano
0 10,017

Nakahandang magbitiw sa kaniyang puwesto si Department of Fo­reign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Ca­yetano kapag napatunayang minamaniobra ng sindikato ang appointment slot sa passport.

Ipinahayag ito ni Ca­yetano sa paglulunsad kahapon ng 10-year validity ng passport na ginanap sa Office of Consular Affairs ng DFA sa Parañaque City.

Sa isang panayam, sinabi ng Kalihim na handa siyang masibak sa puwesto kung totoo ang akusasyong may korapsyon sa DFA.

Inamin din nito na hindi pa perpekto ang sistema ng passport processing pero mas naging maayos na aniya ito sa kasalukuyan.

“Handa rin po ako sa imbestigasyon kung ito ay mayroon nangyaya­ring korapsyon sa ahensiyang ito at patutuna­yan ko na walang ganyan dito,” ani Cayetano.

Hinamon pa nito ang mga kritiko na maglabas ng ebidensiya o ‘lead’ na may sindikato sa loob ng DFA kasabay ng mariing pagtanggi na walang ginagawa ang kagawaran hinggil sa kumakalat sa social media na kawalan ng aksyon sa mabagal na proseso sa pag-iisyu ng passport at renewal nito.

Ayon kay Cayetano, ginagawan na nila ng aksiyon ang kakulangan ng slot appointment upang lalo pang mapabilis at madagdagan ang mga ito para sa mga bagong aplikante ng pagkuha ng pasaporte.

Itinanggi rin ni Caye­tano na hawak ng ilang fixer at sindikato ang karamihang slot appointment sa consular affairs dahil sa may kasabwat na tauhan ng DFA.

Katunayan aniya, ang dating mahigit sa isang 1,000 slot appointment sa mga aplikante bawat araw ay ginawa na nila itong mahigit sa 3,000, magmula nang alisin ng DFA ang slot appointment para sa mga travel agencies.

Maging ang itinagal sa loob ng dalawang buwan sa pagproseso ng pasaporte ay maaari na aniya itong gawin sa loob lamang ng dalawang linggo.

Sumabog ang isyu sa slot appointment ng DFA para sa mga kumukuha o nagre-renew ng passport makaraang bahain ng komento ang Facebook page ng kagawaran.

Sinabi naman ni Ca­yetano na may mga kinausap na aniya ang DFA na nag-post sa Facebook na nabiktima umano ng sindikato subalit tumangging makipagtulungan.

Narito ang ilan sa mga komento ng netizens na naka-post sa mismong Facebook account ng DFA:
Joan Nery: I started to look for an available slot early Oct 2017 until last Dec since my passport is about to expire in Jan 2018. Planning a trip to Singapore sana this Feb 2018 so I really needed my passport renewed. I managed to get an appointment Feb 15, 2018. Yun na pinakamaaga kong nakita nung last na nagcheck ako late Dec so I grabbed it na. Renewing my passport this time seems to be more difficult and frustrating than the last one 5 years ago…. kahit saang branch ke NCR o provincial halos walang available slots….

Iris Villaseñor-Abordo: Everyday po ako nag che-check sa website nyo po para tumingin ng open slots pero palagi po akong bigo. Pinanood ko ang Facebook LIVE last week ng Secretary ng DFA, sabi nya magbubukas daw ng slots this week— nag abang ako from Monday hanggang ngayon..kanina may nakita akong slot sa Jan.13 ng 12:00 tapos pag click ko sabi sakin ay FULL na…how come naging full eh kaka click ko lang ng naka green tapos big­lang FuLL na.. Jan 13 is Saturday..ibig sabihin mas mataas ang bayad kesa pag week days..try nyo pong mag open din sa week days para naman di po halata na mas gusto nyo ng mataas na bayad. puro pangako..gagaya po ba tayo sa mga dating nagdaaang mga taon na puro pangako pero walang ACTION?!

Bonnielou P Bonnie: Mabuti pa yung dati na mag llinya at same day release yung passport mo for renewal. Basta maaga ka lang, surely maka abot ka sa numberof slots ibbigay nila for that day. Ngayun, no available na til end of March at for April hindi pa open. May mga travel agencies pa na nagbbenta sa appointments. Lalong lumala ang sitwasyun at maraming nahihirapan. Ibalik nyo na lang yung dati, pls. lang!