Una sa Balita

Cayetano kumahol: Sipain n’yo ako!

0 417

HINAMON ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na totohanin ang bantang patatalsikin siya sa puwesto.

Ginawa ni Cayetano ang hamon matapos sabihin ni Atienza na panahon na para magkaroon ng bagong Speaker kung patuloy na uupuan ng kinatawan ng Taguig-Pateros ang 11 nakabinbin na panukala para sa pagkakaloob ng panibagong 25 taon na prangkisa sa ABS-CBN.

Imbes na ngumaw­ngaw sa media, hinamon ni Cayetano si Atienza na maghain ng mos­yon sa sesyon ng Kamara para ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa kapulungan.

“Ang panawagan para sa mag-resign ay ginagawa sa floor, you move na walang confidence o palitan,” saad ni Cayetano.

Binanggit pa niya na hindi siya mag-aaksaya kahit isang minuto sa posisyon kung sa tingin niya ay wala ng tiwala ang mga kasapi ng majority coalition.

“The moment na ayaw na ako noong majority ng mga kongresista, aalis ako,” diin pa niya.

Sinabi rin ni Ca­yetano na hindi siya bibigay sa pressure ng media para pakilusin ang Committee on Le­gislative Franchises na dinggin na ang mga panukala sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Mag-e-expire ang prangkisa ng kompanya sa katapusan ng Marso, pero nilinaw na ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang aktuwal na pagkapaso ng prangkisa ay sa Mayo 4 pa.

“Ayoko na ‘pag na-pressure ng media, maghi-hearing na kaagad. I’ve explained a million times why it’s important to have orderly, fair hearings,” diin ni Cayetano.

“Kung kayang tanggapin ‘to ng majority ng mga kongresista, thank you. Kung hindi, then it’s time to choose a new leader and bahala na kayo. No problem,” dagdag pa niya.

Matatandaan na naluklok sa puwesto si Cayetano noong Hulyo 2019 matapos pakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kongresista na pagbigyan ang sinusulong nitong term-sharing agreement kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. (JC Cahinhinan/Eralyn Prado)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More