Una sa Balita

Cayetano kumahol sa labnaw e-power

0 736

NAGTATAKA ang ilang senador kung bakit umaangal si House Speaker Alan Peter Cayetano sa inaprobahang panukala ng Senado para pagkalooban ng special power si Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng krisis sa coronavirus.

Ito’y dahil sa mismong ang ilang miyembro ng gabinete na dumalo sa special session ng Senado ay hindi naman pumalag sa inaprobahang bersyon ng Senado.

Ayon sa isang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan, ipinipilit kasi ni Cayetano na gamitin ang word na “emergency power” sa panukala. Bukod pa sa malabnaw umano ang inaprobahan bersyon ng Senado.

Sa plenaryo ng Kamara, inungkat ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor kung bakit hindi katanggap-tanggap ang bersyon ng Senado.

Ito ay ang paglimita sa P275 bilyong alokasyon na maaaring gamitin ni Pangulong Duterte sa 2020 national budget.

“Kung mas malaki kailangan, Bakit nililimitahan? Bakit di natin bigay sa Pangulo?” katuwiran ni Defensor.

Aniya, dapat umanong bigyan ng laya ang Pangulo sa pagsyapol ng national budget dahil siya ang nakakaalam sa kinakaharap na problema sa COVID-19 crisis.

“Kaya may mga gagawin pa ng Pangulo. We are an in emergency. Bigyan natin ng sapat na luwag ang Pangulo,” diin ni Defensor.

Sa naturang panukala ay inatasan din ang Pangulo na respetuhin ang exemption sa ilalim ng Government Procurement Act na unang pinaluwag sa bersyon ng Kamara, ang House Bill 6618.

“Kung tutuusin, kung talagang emergency sa bahay mo, kung kailangan bumili kailangan ba may proseso pa?” tanong ni Defensor.

Lumabnaw din ang probisyon sa “take-over” matapos na palitan ito ng ibang word.

Ngunit ayon naman kina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senador Panfilo Lacson, kung ayaw nina Cayetano at Defensor sa bersyon ng Senado ay bakit nila ito in-adopt upang mapabilis ang pagpapadala nito kay Pangulong Duterte para mapirmahan agad. (JC Cahinhinan/Dindo Matining)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More