Una sa Balita

Cayetano, ilabas mo ang P1B OFW Fund!

By
0 28,968

KINUWESTIYON kahapon ng pro-Duterte lawyer na si Atty. Bruce Rivera ang tanggapan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano kung nasaan na ang P1 bilyong pondo na inilaan para tulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na may problemang kinakaharap sa ibang bansa.

Sa eksklusibong pana­yam ng Abante, sinabi ni Rivera na kanya lamang nalaman na ubos na diumano ang naturang pondo matapos na lumapit sa kanya ang tatlong diplomat sa Amerika, Europe at Asya na nagsabing wala na silang magamit para sa Assistance To Nationals (ATN).

Ang ATN ay nasa ilalim ng Office of the Undersecretary of Mig­rant Workers Affairs (OUMWA) ng DFA. Inilaan ang pondo para sa ATN bilang pantustos sa pangangailangan ng mga distressed OFW, documented man o undocumented, para sa kanilang repatriation, hospitalization, temporary accommodation at pagpapauwi sa bangkay.

Noong una ay P400 milyon lamang ang taunang budget nito pero ginawang P1 bilyon sa ilalim ng administrasyong Duterte bukod pa sa P200 milyon na inilaan para sa legal assistance.

Matatandaan na inihayag ni Pangulong Rodrigo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang pagkakaloob ng dagdag na assistance fund para sa mga OFW kung saan ay ginawa itong P1 bil­yon mula sa dating P400 milyon para matiyak na mabibigyan ng proteksiyon ang kanilang mga karapatan.

Sinabi ni Rivera na noong mga nakaraang pamumuno sa DFA ay hindi naman nagkukulang ang ATN bagama’t may mga OFW din na sinasaklolohan ang kagawaran pero nakapagtataka aniya na ngayong P1 bilyon na ang pondo ng ATN ay nagkukulang pa ito.

Bukod sa mga diplomat ay ilang OFW din umano ang nagre­reklamo na walang tulong ang gobyerno sa kabila ng malaki ang pondo ng ATN.
Sa unang quarter pa lamang umano ng taon ay 1/3 na ng ATN fund ang nagastos at ang ikinakatuwiran aniya ng DFA ay nailaan na ito sa pagpapauwi sa mga OFW mula sa Kuwait.

Pero sabi ni Rivera, kung totoong nagamit ito para sa mga OFW sa Kuwait bakit nagrereklamo pa ang mga diplomat.

Takot aniya ang mga diplomat na magreklamo kay Cayetano kaya siya ang naglakas ng loob na isiwalat ito at magtanong kung nasaan na ang ATN fund.

Hiningan ng reaksiyon ng Abante si DFA Undersecretary Elmer Cato sa isyung ito pero isang Adrian mula sa tanggapan nito ang nagsabing sa nasa meeting ang opis­yal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy