Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Cayetano binastos si Duterte

0 728

Tila binastos ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang nais mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte na aprubahan sa lalong madaling panahon ang P4.5 trilyon pambansang pondo para sa 2021 upang hindi magkaroon ng reenacted budget.

Ito ay matapos na suspendihin ni Cayetano ang sesyon sa Kamara hanggang Nobyembre 15 kasunod ng pagpasa sa second reading sa House Bill No. 7727 o ang General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng 2021 national budget.

Nauna rito ay naghain ng mosyon si Cayetano na humiling na i-terminate ang deliberasyon sa plenaryo ng 2021 national budget at aprubahan na ito sa pangalawang pagbasa.

Sinegundahan ang mosyon ni Appropriations Vice Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado at sa pamamagitan ng voice voting ay naaprubahan ang panukala.

SM food to go Banner Ad

Matapos aprubahan ay agad na idineklara ni Batangas Rep.Raneo Abu na nag-preside ng session na suspendido na ang sesyon hanggang sa Nobyembre 15.

Gayunpaman sa maagang pagsuspendi ng sesyon na dapat sana ay magsisimula pa sa Oktubre 17 base sa kanilang legislative calendar bilang bahagi ng kanilang session break ay wala ng pagkakataon na magkaroon pa ng pagpapalit sa liderato o maisaktuparan ang ‘term sharing deal’ na siyang ugat ng sigalot ngayon sa kapulungan.

Sa ilalim ng ‘term sharing deal’ si Velasco na ang uupong speaker sa susunod 21 buwan ng 18th Congress.

Matatandaang nang magtungo sina Velasco at Cayetano sa Malacanang para kausapin si Pangulong Duterte sa sigalot sa speakership ay muli silang pinaalalahanan na huwag i-delay ang national budget dahil kailangan ito lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Nakaantabay na rin ang Senado para sa approved budget ng Kamara para masimulan na nila ang deliberasyon. (Eralyn Prado)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.